Home OPINION KOLEKSYON SA ILIGAL NA PASUGALAN TULOY SA KABILA NG HAGUPIT NG HABAGAT

KOLEKSYON SA ILIGAL NA PASUGALAN TULOY SA KABILA NG HAGUPIT NG HABAGAT

1
0

KAHIT abala ang marami sa pag-iwas sa baha at pagharap sa malakas na buhos ng ulan dulot ng pinalakas na Habagat nitong mga nakaraang linggo, wala naman daw tigil ang koleksyon sa mga iligal na pasugalan sa ilang bahagi ng Divisoria.

Pabulong na isinigaw ng isa nating bubwit ang umano’y patuloy na pag-iikot at paniningil ng vendor si alyas “Minda” sa mga sinasabing iligal na pwesto ng EZ2 sa Divisoria at karatig na lugar, kahit kasagsagan ng pagbuhos ng ulan.

Ang mas mabigat na alegasyon, ginagawa umano ito sa utos ng isang retiradong pulis ng Maynila na sinasabing may koneksyon rin sa isa namang aktibong pulis na nakatalaga sa area ng Tondo kaya ganun na lang kalakas ang kanilang loob sa paggawa ng ilegal na aktibidad.

Hindi lamang umano EZ2 ang sakop ng iligal na sosyo sa negosyo kundi pati raw ilang iligal na bookies ng karera na ang namamahala ay isang retirado ring pulis.

Kung totoo ang mga impormasyong ito, malaking tanong kung paano nakapagpatuloy ang ganitong mga gawain nang tila walang takot sa batas.

Ang isa pang dapat tutukan ng pulisya ay ang ibinulong ng isa sa ating source hinggil sa batang kolektor na umano’y regular na naghahatid ng koleksyon at sinasabing may nakalaan ding bahagi para sa isang opisyal na kanyang sinasandalan.

Ang alegasyon pa, umaabot umano sa P10,000 kada linggo ang pinakamababang halaga na ipinamamahagi ng batang kolektor sa bawat istasyon ng pulisya na kantang hawak sa Maynila kada linggo.

Kung totoo ang alegasyon na bawat police station na kanyang hawak ay may ganoong halaga, hindi maiwasang itanong kung magkano kaya ang kabuuang halaga na umaabot kada linggo?

May kinalaman kaya sa nasabing isyu si alyas “Singko,” na nagpakikilalang bagman ng mataas na opisyal sa headquarters ng Manila Police District?

Gusto nating linawin na alegasyon pa lamang ang mga ito at kailangan ng kaukulang beripikasyon at pahayag mula sa mga inaakusahang personalidad at kinauukulang awtoridad upang patunayan kung totoo o kabalintunaan lang.

Ngayong may pagbabago sa pamunuan ng National Capital Region Police Office, mananatili pa rin kayang matatag ang sinasabing sistema?

Kung retiradong pulis na ang nasasangkot pero may aktibong kasosyo sa operasyon, ibang usapin na iyon at nararapat lamang na siyasatin kung may sapat na ebidensya.

Mananatili ring malaking katanungan kung sino ang tunay na nasa likod ng batang kolektor, at bakit tila napakalakas ng loob nitong kumilos sa kabila ng mga umiiral na operasyon kontra iligal na pasugalan?

Abangan ang susunod na kabanata. Baka sa susunod, mas luminaw kung sino ang nag-uutos, sino ang kumokolekta, at higit sa lahat—sino ang nakikinabang.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here