HABANG lumulubog sa baha ang napakaraming parte ng Pilipinas nitong nagdaang mga araw, kasama ang Metro Manila, Central Luzon, Ilocos Region at Timog Katagalugan, bigla nating naalaala ang sinasabi noon nina mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na kinikbakan sila ng nasa 150 kongressman at iba pang mga opisyal ng pamahalaan.
Mismong si Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon ang nagsabing umabot sa P78 bilyon ang kabuuang halaga ng kontrata na nakorner nina Discaya mula 2016 hanggang 2025.
Pero para sa 1,214 flood control project lamang iyo.
Mahalagang pag-usapan ito dahil lumilitaw na walang mga kongresman at iba pa ang nadadamay at nakukulong sa mga kaso nila.
Kung babalikan ang mga kikbakan sa nagdaang mga administrasyon, mga Bro, sa panahon ni ex-President Noynoy Aquino, nasa 10% lang ang kikbakan; Digong Duterte – 15% at Bongbong Marcos – 25-30%
Sa kwentahang ganito, magkano ang kinikbak ng mga opisyal ng pamahalaan, pwera ang isang ghost project?
Kung ganyan kalalaki ang mga kikbakan, siguradong mapipilitang gawing substandard ang mga proyekto at inamin mismo ito ng mga inhinyero ng DPWH na sangkot sa mga anomalya.
Kasama ang mga kikbak at mga ligal na gastusin ng mga kontraktor, umaabot na lang sa 40-50% ng badyet ang matitira para sa proyekto kaya nagiging substandard at marurupok o putol-putol ang mga ito.
Pagdating ng baha, nagigiba at naanod ang mga proyekto o kung may lindol, nagkakabitak-bitak o nagigiba.
Mga biktima? Mga namamatay, nagkakasakit at naghihirap at nadadamay maging ang milyon-milyong batang mag-aaral hanggang matagpuan silang pinakabobo sa 80 bansang sumasali sa Programme for International Student Assessment at malnourished pa.
Nakapagtatakang nakazipper ang bunganga ng mga korap, kasama na ribn ang mga “‘di korap.”
Hmmm! Bakit kaya?






