MANILA, Philippines – Nagdeklara na ng state of calamity ang pamahalaang panlalawigan ng Tarlac dahil sa malawakang pagbaha at pagkasira ng dalawang tulay dahil sa malalakas na ulan dala ng Habagat.
Sa Resolution No. 416-2026, sinabi ni Governor Christian Yap na ang malawakang pagbaha ay nagdulot sa mga pangunahing kalsada sa probinsya na “impassable”; nagdulot ng pagkasira ng mga agricultural crops at ari-arian; at lubhang nakaapekto sa mga komunidad.
Dagdag pa, inirekomenda ng Tarlac Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang deklarasyon ng state of calamity “considering…the need for immediate, coordinated, and sustained relief, response, recovery and rehabilitation measures throughout the province.”
Matatandaan na noong Biyernes ng gabi ay bumigay ang bahagi ng Ninoy Aquino Bridge sa San Isidro, Tarlac City.
Sa kasunod na gabi ay gumuho naman ang gitnang bahagi ng Agana Bridge sa Tarlac City kung saan may nahulog pang isang SUV sa ilog. RNT/JGC