Home OPINION BINABAHA NA, MAY LEPTOSPIROSIS PA

BINABAHA NA, MAY LEPTOSPIROSIS PA

2
0

NAKAIIYAK ang nagaganap sa mamamayang Pinoy.

Habang nakalubog sa baha ang milyones sa atin sa nakalipas nang isang buwan, libo-libo naman ang nagkakasakit sa leptospirosis.

200 PATAY SA LEPTO

Ayon mismo sa Department of Health, may 200 nang patay sa leptospirosis mula halos 5,500 nang tinamaan nito, lalo na sa Metro Manila, Central Luzon at Cagayan Valley.

Ang bakteria ng sakit na ito ay karaniwang galing sa ihi ng daga ngunit meron din galing sa ibang mga hayup gaya ng baka, baboy, kabayo, kambing, aso at tupa o karnero.

Sa mga oras ng baha, humahalo ang ihi ng mga nasabing hayop at kung may sugat ang isang tao na lumusong sa baha, malamang na matamaan siya ng leptospirosis.

Ang matindi rito, mga Bro, aabot ng isang buwan bago malaman ng isang tao na pinasok na pala siya ng bakteria.

Pero kapag nalusong ang isang tao sa baha, hindi masamang magpatingin agad sa doktor, lalo na kung may palatandaan may lepto ito.

Kabilang sa mga palatandaan ng leptospirosis hindi pagkaihi, lagnat na hindi gagaling-galing sa anomang gamot, matinding sakit sa ulo, pananakit ng kalamnan, pagtatae, pagsusuka ng dugo, paninilaw at iba pa.

Ang masama pa, punuan na ang mga ospital kaya naman nagbubukas na mismo ang DOH ng fast lanes at marami na ang ospital ang pinabubuksan nito para sa mga nagkakasakit at tsekap.

Dahil nakamamatay ang lepto, mahal ang pagpapaospital, lalo na sa mga pribadong ospital.

Kaya naman, kung nakararamdam ka na ng mga sintomas na nabanggit, magpatingin ka na sa doktor.

Ang mga gumagawang swimming ang mga baha, maawa naman kayo sa sarili ninyo at maawa kayo sa iba na walang matakbuhan na ospital dahil sa inyo.

Ang DOH, dapat pagsumikapang ilibre sa mga gamot, doktor at ospital ang pasyente, lalo na kung isiping kaya nababaha at nagkakasakit ang mga ito aydahil sa korapsyon sa flood control na gawa mismo ng mga taga-gobyerno.

MALAWAKANG GUTOM, WALANG TAHANAN

Gaano ba talaga kahirap ang mabaha?

Lalo na kung isang buwan nang nakalubog sa baha ang iyong tahanan, at siyempre pa, kasama ang iba pang mga bagay, gaya ng mga alagang hayop, sasakyan, gamit sa negosyo, palayan at iba pang taniman at maraming iba pa.

Unang-una tinatamaan ang hanapbuhay na karaniwang tumitigil.

Kahit anong hanapbuhay ‘yan mula sa negosyo, pamamasukan, pag-aalaga ng hayop at tanim, paglikha ng anomang bagay mula sa paggamit ng kuryente, makinarya at iba pa.

Malawakang gutom at labis na paghihirap na rin ang ibig sabihin niyan, lalo na kung kasama ka sa evacuation center at ganap ka nang nawalan ng tahanan.

Ang mga batang mag-aaral, mananatiling bobo sa kawalan ng pagkakataong mag-aral, kahit pa sa online dahil walang kuryente sa binahang lugar.

Dahil sa gutom, madaling magkasakit ang tao at paano kung may malnutrisyon at naospital pa ang biktima?

Kung hindi ka maiiyak sa ganitong kalagayan, manhid ka na sumpa sa buhay na nagagawan naman sana ng paraan kundi hindi lang binababoy ng mga opisyal ng gobyerno ang pondo laban sa mga baha.

Akalain mo pa, ang mga lumalaban sa korapsyon at baha, sila pa ang kinakasuhan at ikinukulong?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here