CEBU, Philippines — Nahihirapan ang health authorities sa Central Visayas na mapataas ang bilang ng mga batang nababakunahan laban sa measles at rubella (MR) dahil sa vaccine misinformation at pag-aalinlangan ng ilang magulang.
Ayon sa Department of Health in Central Visayas (DOH-7), 21.7 porsiyento lamang ng target na 630,214 bata ang nabakunahan sa MR Supplemental Immunization Activity (MR-SIA).
Mas mataas ito kumpara sa 15 porsiyento noong nakaraang taon, ngunit malayo pa rin sa 95 porsiyentong target coverage na kailangan upang magkaroon ng sapat na proteksyon ang populasyon laban sa measles.
Pagsapit ng Agosto 29, 137,042 batang edad 6 hanggang 59 buwan sa Cebu at Bohol pa lamang ang nabakunahan, habang 493,172 ang hindi pa nakatatanggap ng bakuna at nananatiling vulnerable sa mga nakahahawang sakit.
Ayon sa mga health official, kabilang sa pangunahing hadlang ang vaccine hesitancy at maling impormasyon, lalo na sa social media.
Sa Mandaue City, humigit-kumulang 577 magulang kada araw ang tumatangging pabakunahan ang kanilang mga anak noong unang linggo ng kampanya, habang 448 bata naman ang ipinagpaliban ang pagbabakuna sa ibang araw.
Nakararanas din umano ng pagtutol at maging hostility ang mga health worker habang nagsasagawa ng house-to-house vaccination.
Kinondena ng Mandaue City Council ang mga social media post na humihikayat sa publiko na huwag magpabakuna at nanawagan ng imbestigasyon sa mga ito.
Nagbabala naman si Cebu Provincial Board member at doktor na si Stanley Caminero tungkol sa epekto ng maling impormasyon mula sa ilang vloggers at social media personalities sa desisyon ng mga magulang.
“In the age of Facebook, TikTok and YouTube, the wrong message spreads faster than the virus,” aniya.
Bilang tugon, pinalakas ng DOH-7 ang information campaigns sa mga barangay at hinikayat ang mga magulang na kumonsulta sa health professionals sa halip na umasa sa mga hindi beripikadong impormasyon online.
Nadagdagan ang pangamba matapos mamatay ang isang 7-buwang gulang na sanggol sa Dumanjug, Cebu, na ayon sa pamilya ay maaaring may kaugnayan sa MR vaccination.
Nabakunahan ang sanggol noong Agosto 10 at namatay noong Agosto 24.
Iniimbestigahan ng Dumanjug Municipal Health Office, DOH-7 at Cebu Provincial Health Office ang insidente bilang adverse event following immunization (AEFI).
Gayunman, binigyang-diin ng mga awtoridad na wala pang ebidensiyang nagtatatag ng direktang ugnayan sa pagitan ng bakuna at pagkamatay ng sanggol. RNT/MDS