MANILA, Philippines — Nilinaw ni Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian kung bakit nakita sa airport ang isang sasakyan ng lungsod na may markang “Strictly for Official Use Only.”
Ayon kay Gatchalian, sakay ng sasakyan sina Baby Ayla at ang kanyang ina, na tinutulungan ng pamahalaang lungsod sa kanilang pagpunta sa India.
“Isang paglilinaw lang po, ang sakay ay si Baby Ayla at nanay niya,” aniya.
Si Baby Ayla, residente ng Valenzuela, ay may biliary atresia at nagtungo sa India nitong Linggo para sa agarang liver transplant.
Nauna nang nagbigay ang city government ng financial assistance para sa kanilang airfare at hotel accommodation habang isinasagawa ang operasyon at recovery ni Baby Ayla sa India. Pinangunahan ang tulong sa pamamagitan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).
Noong Oktubre 2025, nagbigay rin ng medical assistance ang lungsod sa pamilya, habang patuloy na minonitor ng CSWDO ang kalagayan ni Baby Ayla hanggang Marso 2026.
Inirekomenda ng mga doktor ang agarang liver transplant. Bagama’t una nang pinag-isipan ang tulong mula sa isang foundation partner sa Chinese General Hospital, napagdesisyunan ng pamilya na sa India isagawa ang operasyon.
Nanawagan din si Gatchalian sa publiko na tiyaking tama ang impormasyon bago magbahagi ng mga post online.
“Huwag pong maging bahagi ng pagkalat ng fake news o maling impormasyon. Mag-verify muna bago mag-share,” ani pa niya.
Hiniling naman ng city government ang panalangin ng publiko para sa ligtas na biyahe ni Baby Ayla, matagumpay na transplant at tuluyang paggaling. RNT/MDS