KATHMANDU, Nepal – Umabot na sa 919 ang patay at 4,793 ang nawawala matapos ang matinding pagbaha sa mga lugar malapit sa hangganan ng Nepal at China.
Ayon sa disaster authority ng Nepal, hindi bababa sa 903 katao ang nasawi sa bansa habang umakyat sa 4,247 ang nawawala pagsapit ng Lunes, sa ikaanim na araw ng rescue operations.
Nauna namang kinumpirma ng Chinese state media na 16 ang patay at 546 ang nawawala sa Tibet, matapos ang sakuna noong Miyerkules.
Kabilang sa mga nawawala sa Nepal ang 592 dayuhan at 933 manggagawa sa mga hydropower project sa kahabaan ng ilog na dinaanan ng malakas na rumaragasang tubig, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Authority.
Sa pinakahuling ulat, 3,655 Nepalese citizens ang nawawala. Kabilang dito ang 1,158 katao sa Nuwakot district, mula sa 115 lamang na naiulat noong Linggo, at 562 katao sa Rasuwa district.
Kabilang din sa mga nawawala ang 45 sundalo ng Nepal Army, 38 pulis at armed police officers, at 19 opisyal ng customs at immigration.
Samantala, sa Uttar Pradesh, India, sinabi ng mga awtoridad na nakarekober sila ng 17 bangkay mula sa mga ilog na nagmumula sa Nepal. Pinaniniwalaang mga biktima rin ang mga ito ng pagbaha, ngunit hindi pa sila kasama sa opisyal na bilang ng mga nasawi habang isinasagawa ang pagkilala sa kanilang mga pagkakakilanlan. RNT/MDS