Home NATIONWIDE Mga empleyado ng pamahalaan makatatanggap na ng year-end bonus, P5K cash gift

Mga empleyado ng pamahalaan makatatanggap na ng year-end bonus, P5K cash gift

29
0
(c) Danny Querubin

MANILA, Philippines – Inaasahang matatanggap ng mga kwalipikadong kawani ng pamahalaan ang kanilang year-end bonus at P5,000 cash gift kasabay ng unang sahod nila ngayong Nobyembre, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).

Sa isang pahayag nitong Sabado, Nobyembre 7, sinabi ng DBM na nailabas na nito ang kabuuang P82.998 bilyon na pondo para sa year-end benefits ng mga kwalipikadong civilian, military at uniformed personnel.

Inatasan din ng ahensya ang mga tanggapan ng pamahalaan na tiyaking hindi maaantala ang pagbibigay ng mga benepisyo at sabay itong maipagkaloob sa unang payroll ngayong Nobyembre.

Alinsunod sa DBM Budget Circular No. 2024-3, ang mga kwalipikadong empleyado ng gobyerno ay makatatanggap ng year-end bonus na katumbas ng isang buwang basic salary batay sa kanilang sahod noong Oktubre 31, 2026, bukod pa sa P5,000 cash gift.

Ayon kay Budget Secretary Kim Robert de Leon, naipamahagi na ang pondo sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak na matatanggap ng mga empleyado ang kanilang benepisyo sa itinakdang panahon.

Malaking tulong umano ito sa mga kawani at kanilang pamilya ngayong papalapit ang Pasko. Dagdag pa niya, paraan din ito ng pamahalaan upang kilalanin at pasalamatan ang kanilang pagsisikap, dedikasyon at patuloy na paglilingkod sa publiko.

Sa kabuuang pondo, P73.449 bilyon ang nakalaan para sa year-end bonuses habang P9.549 bilyon naman ang para sa cash gifts.

Upang maging kwalipikado sa buong benepisyo, kailangang nakapagsilbi ang isang empleyado nang hindi bababa sa apat na buwan o 120 araw mula Enero 1 hanggang Oktubre 31, 2026. Dapat ay nananatili rin siyang empleyado ng pamahalaan hanggang Oktubre 31.

Saklaw ng mga benepisyo ang mga kawani na may regular, contractual o casual positions sa pambansa at lokal na pamahalaan, kabilang ang mga gumamit ng awtorisadong leave of absence na may bayad.

Nilinaw ng DBM na naipalabas na sa mga kinauukulang ahensya ang buong pondong nakalaan para sa mga benepisyong ito sa simula pa lamang ng fiscal year 2026.

Gayunman, nakadepende sa payroll schedule ng bawat ahensya ang aktuwal na petsa ng pagbabayad, basta’t sabay na maibigay ang year-end bonus at cash gift sa unang sahod ngayong Nobyembre. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here