BAGUIO CITY, Philippines – Pansamantalang isinara ang bahagi ng Kennon Road sa Camp 5 noong Agosto 30 dahil sa pagbagsak ng mga bato dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan.
Nagbabala ang mga awtoridad sa mga motorista, commuter at pedestrian tungkol sa patuloy na pagguho at erosion sa ilang bahagi ng kalsada. Pinayuhan ang publiko na mag-ingat, lalo na sa mga apektadong lugar.
Pagsapit ng alas-5 ng hapon noong Agosto 30, isinara ang kalsada sa Camp 5.
Gayunman, pagsapit ng alas-7 ng umaga noong Agosto 31, naging madaanan na ang isang lane sa Camp 5, ngunit para lamang ito sa mga residente.
Ayon sa update alas-10 ng umaga, nagpapatuloy ang clearing operations sa lugar sa tulong ng mga opisyal ng barangay at barangay tanod.
Patuloy namang pinaaalalahanan ang publiko na maging alerto sa mga posibleng panganib sa kalsada, iwasan ang hindi kinakailangang biyahe habang malakas ang ulan, at sundin ang mga inilalabas na safety advisory. RNT/MDS