Home NATIONWIDE Malakanyang sa isyu ng pagbaha dulot ng Habagat: ‘No holidays for President’

Malakanyang sa isyu ng pagbaha dulot ng Habagat: ‘No holidays for President’

1
0

MANILA, Philippines – Walang ‘Holidays’ para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno sa patuloy na pagtugon ng mga ito sa mga lugar na apektado ng matinding pagbaha dulot ng Southwest Monsoon (Habagat).

Sa isang video message, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na “there is no holiday” para sa Pangulo s agitna ng situwasyon.

“Minomonitor ng Pangulo ang lagay ng panahon. Sa paglakas muli ng ulan itong gabi ng Biyernes at Sabado, ang mga miyembro ng gabinete ay muling nag-update sa Pangulo at inutos ng Pangulo na dapat na lahat ng apektadong lugar at apektadong mga residente, siguraduhin hindi magugutom at kumpleto pati ang non-food kits,” ang winika ni Castro.

“Sa mga ganitong klaseng sitwasyon, hindi kailangang utusan pa ng Pangulo ang mga nasabing miyembro ng gabinete dahil alam nila kung ano ang nais ng Pangulo, mabilis na aksyon. Walang holiday-holiday sa Pangulo,” aniya pa rin.

Sa katunayan, nakatakdang pangunahan ni Pangulong Marcos ang response meeting sa Central Luzon at Metro Manila ngayong araw, kasama ang mga opisyal ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Budget and Management (DBM) upang makakuha ng flood updates.

Nito lamang weekend, umalma ang mga netizens sa pagsasaya umano ni Pangulong Marcos kaugnay lumabas na video ng kanyang pag-awit sa birthday celebration ng kanyang esposa na si Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, nagdiwang ng kanyang ika-67 taong gulang sa gitna ng malakas na pagbuhos ng ulan at mataas na pagbaha dulot ng Habagat.

Sa kabilang dako, ikinalungkot naman ni Castro ang insidente ng pagnanakaw sa mga mahahalagang piyesa ng pumping stations sa Metro Manila, nagresulta ng pagkabigo ng pumping stations na gumana sa gitna ngn malakas na pag-ulan.

“Dahil sa mga ninakaw na mahahalagang piyesa ng pumping stations hindi sila gagana. Gagastos tayo ulit para sa mga replacement na ito. Paano kung walang makuha agad na replacement? Hindi agad maiaayos ang mga ito na magdudulot na naman ng mabagal na paghupa ng baha,” ang tinuran ni Castro.

“Huwag tayo maging makasarili. Buhay, kalusugan, at ari-arian ang maaapektuhan dahil sa mga pagnanakaw na ito. Huwag ninyong isabotahe ang mga proyekto ng Pangulo. Magtulungan po tayo,” aniya pa rin.

Samanyala, nagbabala naman si Castro sa lahat ng mga gumagawa ng pananabotahe na ito, tiniyak ni Castro na ang mga ito ay hahabulin ng batas.

“Papanagutin po namin kayo dahil buhay at kabuhayan ang maaaring maapektuhan ng inyong mga makasariling gawain,” diing pahayag ni Castro. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here