Home HOME BANNER STORY 14 dagdag-dedo sa C. Luzon sa sama ng panahon, bineberipika ng OCD;...

14 dagdag-dedo sa C. Luzon sa sama ng panahon, bineberipika ng OCD; 33 kumpirmado na

2
0

MANILA, Philippines — Bineberipika pa ng Office of Civil Defense (OCD) ang 14 na iniulat na pagkamatay sa Central Luzon kasunod ng panibagong bugso ng malakas na habagat simula Agosto 26.

Ayon kay OCD Deputy Administrator Bernardo Rafaelito Alejandro IV, kabilang sa mga sinusuring ulat ang siyam na nasawi sa San Marcelino, Zambales; dalawa sa Subic, Zambales; at tig-isa sa Olongapo, Capas sa Tarlac at Porac sa Pampanga.

Hindi pa kasama ang mga ito sa opisyal na consolidated death toll habang isinasagawa ang validation alinsunod sa proseso ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa datos ng OCD hanggang tanghali nitong Agosto 31, nasa 33 na ang kumpirmadong nasawi dahil sa pinagsamang epekto ng mga bagyong Luis, Maymay at Neneng at ng habagat.

Kabilang dito ang 15 nasawi sa Benguet, apat sa Rizal, apat sa Batangas, tatlo sa Caloocan, tig-dalawa sa Quezon at Occidental Mindoro, at tig-isa sa La Union, Oriental Mindoro at Negros Occidental. May 19 ding nasugatan at tatlong nawawala.

Umabot naman sa humigit-kumulang 8.8 milyong katao mula sa 2.5 milyong pamilya ang naapektuhan ng magkakasunod na weather disturbances sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Mahigit 164,000 katao ang nananatili sa evacuation centers, habang nasa 3,300 bahay ang naiulat na napinsala.

Tinatayang umabot na sa P6.12 bilyon ang pinsala sa imprastraktura at P2.32 bilyon naman sa agrikultura. Nasa P1.77 bilyon na rin ang naipamahaging tulong ng pamahalaan sa mga apektadong lugar.

Sa Pampanga, sinabi ng OCD na 330 barangay sa 20 local government units ang nananatiling binabaha, dahilan upang ituring ang lalawigan bilang pinakamalubhang tinamaan sa kasalukuyang assessment.

Gayunman, sinabi ni Alejandro na hindi pa kumpleto ang pagsusuri dahil nakatakda pang inspeksyunin ang Zambales at Pangasinan kapag bumuti ang lagay ng panahon. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here