MANILA, Philippines — Umabot sa “acutely unhealthy” level ang kalidad ng hangin sa Parañaque at Las Piñas habang nakaranas ang Metro Manila ng haze na posibleng may kaugnayan sa mga sunog sa Kalimantan, Indonesia, ayon sa Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau (DENR-EMB).
Batay sa air quality monitoring ng EMB-National Capital Region hanggang alas-7 ng gabi nitong Agosto 31, umabot sa 270 ang Air Quality Index (AQI) sa Don Bosco area sa Parañaque at 205 naman sa Las Piñas.
Kapwa pasok ang mga ito sa “acutely unhealthy” classification na may AQI na 201 hanggang 300.
Nasa “very unhealthy” level naman ang Manila na may AQI na 198; Malabon, 186; Valenzuela at Quezon City-Ateneo, 179; Taguig-TUP, 176; Marikina-Parang, 175; San Juan, 173; Muntinlupa-Filinvest City, 171; Pasay, 168; at Mandaluyong, 162.
Samantala, “unhealthy for sensitive groups” ang naitalang air quality sa Pateros, Navotas at Makati.
Ang mga reading ay nakabatay sa konsentrasyon ng PM2.5 o napakaliliit na particulate matter na maaaring makapasok nang malalim sa respiratory system.
Ayon sa DENR-EMB, posibleng may kaugnayan ang haze sa usok mula sa nagpapatuloy na mga sunog sa Kalimantan na maaaring inanod patungo sa Pilipinas ng umiiral na hangin. Nakitaan din ng haze ang ilang bahagi ng Calabarzon at Mimaropa.
Sa isang panayam, sinabi ni UP atmospheric physicist Dr. Gerry Bagtasa na nakita sa satellite imagery ang mga aktibong sunog sa western at southern Kalimantan at isang hindi pangkaraniwang wind pattern ang nakatulong upang makarating ang usok sa Pilipinas.
Pinapayuhan ng DENR-EMB ang publiko na bawasan ang matagal na pananatili sa labas, partikular sa mga lugar na kapansin-pansin ang haze.
Hinikayat ding manatili sa loob ng bahay hangga’t maaari ang mga bata, senior citizen, buntis at mga may sakit sa baga o puso. Kung kailangang lumabas, inirerekomenda ang pagsusuot ng maayos na N95 o katumbas na mask.
Naglabas na rin ng air quality advisory ang Quezon City government para sa mga residente habang patuloy na mino-monitor ng DENR-EMB ang kalidad ng hangin. Santi Celario