Home METRO Walang F2F classes sa QC public school sa maruming hangin

Walang F2F classes sa QC public school sa maruming hangin

4
0

MANILA, Philippines — Suspendido ang face-to-face classes sa mga pampublikong paaralan sa Quezon City ngayong Martes, Setyembre 1, dahil sa lumalalang kalidad ng hangin bunsod ng haze na posibleng nagmula sa mga sunog sa Kalimantan, Indonesia.

Saklaw ng suspensyon ang Child Development Centers, Kindergarten, Grades 1 hanggang 12 at Alternative Learning System (ALS), ayon sa Quezon City government. Lilipat ang mga apektadong klase sa alternative delivery modes of learning.

Nasa desisyon naman ng kani-kanilang pamunuan ang pagsuspinde o paglipat sa online classes ng private schools at higher education institutions sa lungsod. Ilang pribadong paaralan na rin ang nag-anunsyo ng alternative learning arrangements ngayong araw.

Ipinatupad ang suspensyon matapos makapagtala ang air quality monitoring sensors ng Quezon City ng “unhealthy” hanggang “very unhealthy” na kalidad ng hangin.

Posibleng may kaugnayan ang kondisyon sa usok mula sa forest at land fires sa Kalimantan na inanod patungo sa Pilipinas ng umiiral na hangin, ayon sa Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau (DENR-EMB).

Pinapayuhan ang mga residente na magsuot ng face mask, bawasan ang outdoor activities at manatili sa loob ng bahay kung hindi kinakailangang lumabas.

Partikular na pinag-iingat ang mga bata, senior citizen, buntis at mga may sakit sa puso o respiratory conditions dahil mas mataas ang kanilang panganib sa epekto ng air pollution.

Sa Caloocan City, hinikayat din ni Mayor Along Malapitan ang mga residente na magsuot ng protective face masks at limitahan ang paglabas habang nananatiling hindi maganda ang kalidad ng hangin sa Metro Manila.

Patuloy na mino-monitor ng DENR-EMB at mga lokal na pamahalaan ang air quality habang nananatili ang haze sa ilang bahagi ng National Capital Region. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here