TOKYO — Nagbukas ang grupo ng mga kumpanyang Japanese ng training facility para turuan ang humanoid robots na magsagawa ng mga gawaing pantao na maaari nilang gawin sa mga pabrika at logistics operations.
Sinimulan noong Agosto 26 ang full operations ng J-HRTI Kanto Data Factory sa Narashino, Chiba Prefecture, silangan ng Tokyo. Pinatatakbo ito ng Japan Humanoid Robot Training & Implementation (J-HRTI), isang consortium ng mga pribadong kumpanya kabilang ang Tsumura & Co. at Yamazen Corp.
May lawak na humigit-kumulang 1,400 square meters ang pasilidad at nagsimula ito sa 35 humanoid robots, na maaaring palawakin hanggang 40 units.
Sa loob ng pasilidad, kinokontrol ng mga operator ang humanoid robots upang makalikom ng datos mula sa iba’t ibang galaw at gawain. Ang nakalap na impormasyon ay inaayos at ginagawang training data na maaaring gamitin ng physical artificial intelligence o physical AI upang matutunan ng robots ang mga gawain sa aktuwal na workplace.
May hiwalay ding test area na ginagaya ang tunay na workplace environment upang paulit-ulit na subukan at i-adjust ang kilos ng mga robot bago sila gamitin sa mga pabrika at iba pang operasyon.
Sa halip na bawat kumpanya ang magkahiwalay na gumastos sa equipment, manpower at libu-libong training runs, pagsasaluhan ng mga miyembro ng consortium ang imprastraktura at learning data na nalilikha sa pasilidad.
Target ng J-HRTI na makapagsimulang mag-deploy ng humanoid robots sa mga aktuwal na industrial workplace sa loob ng fiscal year 2026, kabilang sa mga posibleng unang gawain ang simpleng pagdadala ng mga materyales.
Itinatag ang consortium noong Marso 26, 2026 bilang tugon din sa lumalalang kakulangan ng manggagawa sa Japan bunsod ng tumatandang populasyon at pagbaba ng labor force.
Plano rin ng J-HRTI na palawakin ang network nito sa hanggang 10 training at data facilities sa iba’t ibang bahagi ng Japan upang mapabilis ang paggamit ng physical AI at humanoid robots sa industriya.