Home NATIONWIDE Pagbawi ng pahayag ni Guteza, ‘di itinuturing dagdag ebidensya vs Romualdez

Pagbawi ng pahayag ni Guteza, ‘di itinuturing dagdag ebidensya vs Romualdez

1
0

MANILA, Philippines — Umalma ang kampo ni dating Speaker Martin  Romualdez sa posisyon ng Office of the Ombudsman matapos nitong sabihing magsisilbing “dagdag ebidensiya” ang pagbawi ng salaysay ng mga pangunahing saksi sa anomalya sa mga flood-control project.

Giit ng legal counsel ni Romualdez na si Atty. Ade Fajardo, hindi maaaring ituring na nagpapatibay sa reklamo ang recantation ni Orly Guteza at ng ilang miyembro ng tinaguriang “Maleta Boys”.

Nagmula ang reaksyon ng kampo ni Romualdez sa pahayag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na hindi “eraser” o pambura ang recantation, kundi karagdagang ebidensiya dahil kailangang pagsabayin ang dalawang bersyon para matukoy kung alin ang totoo.

“Well, we respectfully disagree po,” pahayag ni Fajardo, na dating Pangulo ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).

Ayon kay Fajardo, ang paghahambing sa magkasalungat na pahayag ng saksi ay naglalantad sa kawalan nito ng kredibilidad, aniya, ang paglalarawan sa mga recantation bilang “dagdag ebidensiya” ay tila pagtatangka lamang na panatilihing buhay ang usapin sa kabila ng pagbawi ng mga saksi.

“Mukhang nagsasabi lang ang tanggapan ng Ombudsman ng mga ganoong salita para sabihin na buhay pa ang kaso nito,” dagdag ni Fajardo.

Matatandaang binawi ni Guteza ang kanyang unang pahayag na naghatid siya ng mga maletang naglalaman ng pera sa tirahan ni Romualdez, maliban kay Guteza ay naghain din ng pagbawi ang ilang dating security aide ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.

Kabilang sa inihain ng kampo ni Romualdez sa kanyang supplemental counter-affidavit noong Agosto 20 ang 25 sworn statement mula sa iba pang dating drayber at aide ni Co na umaming wala silang anumang kaalaman o partisipasyon sa sinasabing paghahatid ng pera.

“Sa aming estimation, sa aming appreciation ng mga recantation na yan, ang aming position ay talagang wala pong kaso na, sobrang hina na,” pahayag ni Fajardo.

Nanawagan ang defense counsel sa Ombudsman na suriin ang kredibilidad ng buong record at ibasura ang reklamo kung walang ebidensiya. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here