LAS VEGAS, Nevada — Hinatulang guilty ng korte sa Las Vegas si Duane “Keffe D” Davis, dating miyembro ng gang sa Los Angeles, sa pagpatay sa sikat na rapper na si Tupac Shakur noong 1996.
Matapos ang ilang oras na deliberasyon, napatunayang guilty si Davis, 63, sa first-degree murder na may paggamit ng deadly weapon. Posible siyang mahatulan ng habambuhay na pagkakakulong nang walang parole. Sinabi rin niya sa hukom na iaapela niya ang hatol.
Ayon sa prosekusyon, iniutos ni Davis ang pagpatay matapos bugbugin ng mga kasama ni Shakur ang kanyang pamangkin sa isang casino sa Las Vegas noong Setyembre 7, 1996.
“Duane Davis, in the culture of gangs, could not let that stand. So what did he do? He acquired a firearm, got his group together, and went hunting for Mr Shakur.”
Ayon pa sa mga prosecutor, ibinigay ni Davis ang baril sa isang taong nakaupo sa likurang bahagi ng puting Cadillac at inutusan itong barilin si Shakur. Sakay noon si Shakur sa front passenger seat ng isang BMW kasama si Death Row Records co-founder Marion “Suge” Knight, na nasugatan sa insidente.
Nabaril si Shakur matapos silang sundan ng Cadillac at tabihan sa isang stoplight. Namatay ang rapper makalipas ang anim na araw, sa edad na 25.
Si Davis ang nag-iisang nabubuhay na sakay ng Cadillac noong gabing nangyari ang pamamaril at siya rin ang tanging taong kinasuhan kaugnay ng pagpatay.
Itinuring ang kaso bilang isa sa pinakakilalang cold cases sa Estados Unidos. Nabuhay muli ang imbestigasyon matapos mailathala noong 2019 ang memoir ni Davis na Compton Street Legend, kung saan ilang beses niyang ipinahiwatig ang kanyang pagkakasangkot sa pagpatay.
Gayunman, umatras si Davis sa kanyang mga pahayag at nag-plead not guilty. Iginiit ng kanyang abogado na kathang-isip at kasinungalingan ang mga naging pahayag ni Davis upang makatulong sa pagbebenta ng kanyang libro.
“You’re reading a book that is fiction and not fact. But the state wants you to believe that this is somehow a confession, that he was there and present at the time of the shooting.”
Ayon sa depensa, walang ibang ebidensiyang nag-uugnay kay Davis sa pagpatay maliban sa sarili niyang mga pahayag.
Nakatakda ang sentencing ni Davis sa Oktubre 13.
Si Tupac, na kilala rin bilang 2Pac, ay naging mahalagang personalidad sa hip-hop rivalry ng US East Coast at West Coast. Kabilang sa kanyang mga sikat na kanta ang “California Love” at “All Eyez on Me.” RNT/MDS