Home HOME BANNER STORY Boransing: Militar, walang alam sa paggamit ng DepEd ng sertipiko para sa...

Boransing: Militar, walang alam sa paggamit ng DepEd ng sertipiko para sa P15.54M confidential-fund rewards

3
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Col. Manaros M. Boransing II sa ika-20 araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte na walang kamalay-malay ang militar na gagamitin ng Department of Education (DepEd) ang kanilang isinumiteng sertipiko bilang depensa sa kontrobersyal na ₱15.54 milyong confidential-fund rewards.

Sa pagpapatuloy ng paglilitis sa Senado bilang impeachment court sumalang sa direktang pagsusuri ng pribadong prosecutor na si Atty. Reynaldo  Robles si Boransing upang tumestigo sa Artikulo I ng reklamo na tumatalakay sa maling paggamit at liquidation ng pondo noong panahon ni Duterte bilang kalihim ng DepEd.

Ayon kay Boransing, nilagdaan niya ang sertipiko noong Enero 1, 2024, sa kanyang kapasidad noon bilang assistant chief of staff para sa civil-military operations (G7) ng 1st Infantry “Tabak” Division.

Layunin nitong patunayan ang naganap na walong Youth Leadership Summits (YLS) na may 531 kalahok at 53 Information Education Campaign (IEC) activities na may 9,428 kalahok sa loob ng kanilang nasasakupan noong 2023.

Gayunpaman, mariing tinukoy ng opisyal na nalaman lamang nya noong Oktubre 17, 2024, sa pagdinig ng Kamara na ikinabit pala ng DepEd ang naturang sertipiko sa kanilang tugon sa Commission on Audit (COA) Audit Observation Memorandum (AOM) No. 2024-015 na may kinalaman sa reward payments para sa impormante.

“During the hearing in the Lower House ko lamang nalaman,” ani Boransing.

Aniya, hiniling noon ang dokumento ni dating DepEd Undersecretary Nolasco Mempin sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang division commander.

Dahil nakaugalian nang humingi ng patunay ng pakikilahok ang iba’t ibang ahensya sa mga aktibidad ng militar tulad ng pakikipagtulungan sa komunidad, inakala nilang para lamang iyon sa regular na documentation.

Dagdag pa ni Boransing, lubhang abala ang kanilang division sa mga panahong iyon sa mas malalang suliranin sa seguridad, partikular na ang naganap na pambobomba sa Lungsod ng Marawi, kaya hindi na nila pinagsuspetsuhan ang naging layunin ng komunikasyon.

Iginiit nito na hindi naglalaman ang kanyang sertipiko ng anumang detalye ukol sa mga impormante, transaksiyon sa intelihensiya, o sa tinutukoy na ₱15.54 milyong reward trail. Pinanindigan din niya na walang pondo mula sa DepEd na ibinaba o idinownload sa kanilang dibisyon para sa mga nasabing programa.

Kasunod ni Boransing ay sumalang sa paglilitis ang isa pang opisyal ng militar na si Col. Magtangol Panopio upang magbigay-linaw sa kaparehong isyu. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here