MANILA, Philippines – Umabot sa ₱2.84 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura dahil sa pinalakas na Southwest Monsoon o Habagat at mga bagyong Luis, Maymay, at Neneng, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Apektado ang 72,803 magsasaka at 64,234 ektarya ng agricultural areas sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, at Western Visayas. Umabot din sa 63,921 metric tons ang production losses sa iba’t ibang produktong agrikultural.
Pinakamalaki ang pinsala sa palay na ₱1.42 bilyon, sinundan ng high-value crops na ₱761.43 milyon, kabilang ang mga gulay, pampalasa, prutas, root crops, commercial at ornamental crops. Nalugi rin ng ₱103.04 milyon ang mais at ₱24.74 milyon ang cassava.
Umabot naman sa ₱18.94 milyon ang pinsala sa livestock, habang ₱68.65 milyon ang pinsala sa irrigation facilities, ₱27.45 milyon sa farm structures, at ₱3.64 milyon sa makinarya at kagamitan.
Malaki rin ang epekto sa fisheries at aquatic resources na umabot sa ₱412.84 milyon, kabilang ang pinsala sa bangus, tilapia, alimango, talaba, sugpo, hito, at fingerlings.
Maaaring makatanggap ang mga apektadong magsasaka ng ₱609.79 milyon halaga ng agricultural inputs, tulad ng binhi ng palay, mais at gulay. Maaari rin silang umutang ng hanggang ₱25,000 sa ilalim ng Survival and Recovery (SURE) Loan Program ng Agricultural Credit Policy Council.
Samantala, mamamahagi ang National Food Authority ng 9,260 sako ng milled rice sa mga apektadong local government units sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, at MIMAROPA. RNT/MDS