Home HOME BANNER STORY P198.45-B budget, hirit ng DA sa 2027 para sa food security

P198.45-B budget, hirit ng DA sa 2027 para sa food security

3
0

MANILA, Philippines — Humihiling ang Department of Agriculture (DA) ng ₱198.45 bilyong budget para sa 2027 upang mapanatili ang produksyon ng pagkain, maprotektahan ang kita ng mga magsasaka at mangingisda at mapalakas ang food security ng bansa.

Mas mababa ito nang ₱17.25 bilyon o 8 porsiyento kumpara sa ₱215.69 bilyong aprubadong budget ng DA ngayong 2026. Mas maliit din ito sa ₱260 bilyong unang hiniling ng ahensya sa Department of Budget and Management.

Malaking bahagi ng pagbaba ay dulot ng pagliit ng pondo para sa farm-to-market roads sa ₱16 bilyon, mula sa ₱33 bilyon ngayong taon.

Sa kabila ng mas mababang budget, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na kailangang tugunan ng ahensya ang mataas na production costs, pabago-bagong lagay ng panahon, climate risks at market uncertainties.

“This is not simply an investment in agriculture. It is an investment in food security,” ani Tiu Laurel.

Nananatili naman sa ₱10 bilyon ang pondo para sa Rice-for-All program na sumusuporta sa ₱20 kada kilong bigas initiative ng pamahalaan.

Magkakaroon din ng mas malaking alokasyon para sa coffee development, ilang programa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at animal industry development and competitiveness.

Kabilang sa pagtutuunan ng DA sa 2027 ang pagpapataas ng farm at fishery productivity, pagpapahusay ng imprastraktura at logistics, pagbabawas ng post-harvest losses at pagpapalawak ng paggamit ng teknolohiya.

Iginiit ni Tiu Laurel na magiging mahalaga ang mahusay at transparent na paggamit ng limitadong pondo upang manatiling kumikita ang produksyon ng mga magsasaka at mangingisda habang napapanatiling abot-kaya ang pagkain para sa mga mamimili. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here