Home NATIONWIDE Duterte, inihirit sa ICC na ipabasura, ipare-file malalabnaw na charges bago trial

Duterte, inihirit sa ICC na ipabasura, ipare-file malalabnaw na charges bago trial

1
0

MANILA, Philippines — Hiniling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na alisin ang kasalukuyang Document Containing the Charges (DCC) at atasan ang prosekusyon na magsumite ng mas tiyak na listahan ng mga alegasyon bago ang nakatakdang paglilitis sa Nobyembre 30.

Sa mosyong inihain noong Agosto 31 sa ICC Trial Chamber III, iginiit ni lead defense counsel Peter Haynes KC na hindi umano sapat na detalyado ang pagkakalahad ng mga kaso at nalalabag ang karapatan ni Duterte na malaman nang malinaw ang mga paratang na kailangan niyang sagutin.

“The accused cannot even begin to make strategic decisions about how to approach this case, because he does not know what case he has to meet,” ayon sa mosyon ng depensa.

Partikular na kinukuwestiyon ng kampo ni Duterte ang paggamit umano ng prosekusyon ng “illustrative” at “non-exhaustive” incidents bilang batayan ng tatlong counts ng crimes against humanity of murder at attempted murder.

Saklaw ng mga kasong kinumpirma ng ICC ang umano’y mga pagpatay sa Davao City habang alkalde si Duterte, mga pagpatay sa tinaguriang “high-value targets” sa panahon ng kanyang pagkapangulo, at mga insidenteng may kaugnayan sa barangay clearance operations.

Ayon sa depensa, 49 incidents ang unang tinukoy sa kaso ngunit nadagdagan ito ng walo noong Agosto 31, dahilan upang umabot sa 57 ang mga insidenteng nakalista. Gayunman, iginiit ng kampo ni Duterte na nananatiling bukas ang prosekusyon sa paggamit ng iba pang hindi nakalistang insidente upang patunayan ang mas malawak na alegasyon ng libu-libong pagpatay.

Tinukoy rin ng depensa ang pagdami ng mga dokumentong kailangang suriin bago ang trial at sinabing mahirap maghanda ng epektibong depensa kung hindi malinaw ang eksaktong saklaw ng mga kasong isasailalim sa paglilitis.

Dahil dito, nais ng kampo ni Duterte na atasan ng Trial Chamber III ang ICC prosecution na muling isumite ang charges na may malinaw na saklaw at kumpletong listahan ng mga acts o incidents na gagamiting batayan ng bawat count.

Wala pang desisyon ang Trial Chamber III sa mosyon.

Si Duterte ay nahaharap sa mga kasong crimes against humanity of murder kaugnay ng mga umano’y pagpatay sa kanyang kampanya kontra ilegal na droga. Ang mga paratang laban sa kanya ay nananatiling alegasyon at kailangang patunayan ng prosekusyon sa paglilitis. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here