Home NATIONWIDE US naglunsad ng panibagong airstrikes sa Iran; tensyon sa Hormuz muling sumiklab

US naglunsad ng panibagong airstrikes sa Iran; tensyon sa Hormuz muling sumiklab

1
0
Cargo ships, including bulk carriers and general cargo vessels, sit at anchor offshore as a small motorboat passes in the foreground, in the Strait of Hormuz off Bandar Abbas, Iran, Monday, May 4 , 2026.(Amirhosein Khorgooi/ISNA via AP)

WASHINGTON/DUBAI — Naglunsad ang Estados Unidos ng panibagong malawakang airstrikes laban sa mga target ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) sa Iran nitong Martes, Setyembre 1, kasunod ng panibagong tensyon sa Strait of Hormuz.

Kinumpirma ng U.S. Central Command (CENTCOM) na tinarget ng operasyon ang air defense sites, radar systems, maritime assets at facilities, mine-laying capabilities at communications sites ng IRGC.

Ayon sa CENTCOM, isinagawa ang mga pag-atake matapos ang umano’y tangkang pag-atake ng IRGC laban sa commercial shipping sa Strait of Hormuz at sa mga Amerikanong sundalong nakatalaga sa rehiyon.

Iniulat naman ng Reuters, batay sa Iranian state media, ang mga pagsabog sa Qeshm Island at sa mga lugar ng Bandar Abbas, Chabahar, Jask at Sirik. Iniulat din ng Iranian media na tinamaan umano ng US forces ang isang civilian airport sa Jiroft. Wala pang inilalabas na kumpirmadong casualty figures mula sa magkabilang panig.

Nagbabala si US President Donald Trump na mas matinding pag-atake ang haharapin ng Iran sakaling gumanti ito sa pinakabagong operasyon. Iginiit naman ng isang tagapagsalita ng IRGC na pagsisisihan umano ng Washington ang mga bagong pag-atake.

Dumating ang bagong airstrikes matapos ang panibagong palitan ng pag-atake nitong weekend. Tinarget ng US forces ang Larak Island ng Iran, habang gumanti ang Tehran sa pamamagitan ng pagpapakawala ng mga missile patungo sa dalawang US military base sa Jordan.

Dalawang tanker na may kargang Saudi crude oil ang tinamaan din ng mga projectile malapit sa Strait of Hormuz nitong Lunes. Walang naiulat na nasawi sa insidente, ngunit lalo nitong pinalala ang pangamba sa seguridad ng isa sa pinakamahalagang oil shipping routes sa mundo.

Kasunod ng muling pagsiklab ng labanan, tumaas nang mahigit $4 kada barrel ang presyo ng langis nitong Martes. Nagsara ang Brent crude sa $94.65 kada barrel, mataas nang 4.6 porsiyento, habang umakyat naman ng 5.2 porsiyento sa $90.22 kada barrel ang US West Texas Intermediate.

Nananatiling mataas ang panganib ng mas malawak na labanan habang patuloy ang tensyon sa Strait of Hormuz at nagbabala ang Tehran na pipigilan nito ang oil exports mula sa Persian Gulf kung hahadlangan ang sarili nitong pag-export ng langis. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here