MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ni dating Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) College of Law Dean Jose “Judd” Roy III ang pagbibigay ng immunity kay dating Public Works Secretary Manuel Bonoan, iginiit na ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na direktang sangkot umano sa proseso ng mga kuwestiyonableng proyekto ang dapat ituring na pangunahing akusado sa mga kasong plunder.
Ayon kay Roy, mahirap umanong maisakatuparan ang sinasabing kickback scheme sa flood control projects kung walang partisipasyon ng mga opisyal ng DPWH na may kontrol sa disenyo, bidding, pagpili ng contractors, pag-apruba ng trabaho at pagpapalabas ng bayad.
“Napapansin ko sa lahat ng mga kasong ito, parating binibigyan ng Ombudsman ng immunity ’yang DPWH,” ani Roy sa panayam sa dzRH nitong Miyerkoles.
Giit niya, dapat suriin kung ang isang opisyal na ginagawang state witness ay maaaring ituring na “most guilty” o may pinakamalaking pananagutan sa sinasabing krimen.
“Bakit ito pa ang binibigyan ng immunity? Ito pa ang pinagtatanggol,” ani Roy.
Kasunod ito ng 2-1 desisyon ng Sandiganbayan Fifth Division na pagbigyan ang mosyon ng Office of the Ombudsman na alisin si Bonoan bilang akusado sa plunder at graft cases kaugnay ng umano’y P573-milyong kickback scheme sa flood control projects, na kinasasangkutan din ni Sen. Jinggoy Estrada at ilang dating opisyal ng DPWH.
Ayon sa Fifth Division, saklaw ng “prosecutorial discretion” ng Ombudsman ang pagpapasya kung sino ang gagamitin nitong state witness. Kinilala rin ng korte ang kapangyarihan ng Ombudsman sa ilalim ng Republic Act No. 6770 na magbigay ng immunity sa isang testigo.
Nauna nang sinabi ng Ombudsman na mahalaga ang kooperasyon ni Bonoan upang mailantad umano ang sistema sa likod ng mga kuwestiyonableng flood control transactions.
Gayunman, iginiit ni Roy na ang mga mambabatas na inaakusahan ng pagtanggap ng kickback ay hindi naman direktang naghahanda ng project documents o nangangasiwa sa administrative process ng pagpapalabas ng pondo, habang ang mga opisyal ng DPWH umano ang may direktang papel sa mga prosesong ito.
Nagbabala rin siyang maaaring manatili ang umano’y maling sistema kung ang mga opisyal na sinasabing mahalaga sa pagpapatupad ng mga transaksyon ay makaliligtas sa pananagutan sa pamamagitan ng immunity.
Samantala, hindi nangangahulugang tuluyan nang wala sa lahat ng kaso si Bonoan. Noong Agosto 3, tinanggihan ng Sandiganbayan Second Division ang hiwalay na hiling ng Ombudsman na alisin siya bilang akusado sa isa pang graft case, bagama’t sinabi ng korte na maaari pa ring pag-usapan ang pagiging state witness niya sa naaangkop na yugto ng paglilitis. Gail Mendoza