Home NATIONWIDE DSWD gagamit ng NLEX emergency lanes para mapabilis relief delivery sa binahang...

DSWD gagamit ng NLEX emergency lanes para mapabilis relief delivery sa binahang lugar

2
0

MANILA, Philippines — Pinayagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na gamitin ang emergency lanes ng North Luzon Expressway (NLEX) upang mapabilis ang paghahatid ng relief goods sa mga lugar na sinalanta ng pagbaha sa Central Luzon at mga karatig na rehiyon.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary Leo Quintilla ng Resource and Logistics Management, binigyan ng NLEX management ng awtoridad ang mga delivery truck ng ahensya na dumaan sa emergency lanes upang hindi maantala ang pagdadala ng family food packs (FFPs) at non-food items sa mga apektadong lokalidad.

Nakatakdang maghatid ang DSWD ng 380,000 kahon ng FFPs sa Central Luzon bilang bahagi ng replenishment ng relief stockpiles ng mga local government unit (LGU) na labis na naapektuhan ng tuloy-tuloy na malakas na ulan at pagbaha.

“Dahil tuloy-tuloy ang pamamahagi natin ng relief goods, kinakailangan na agad na mag-replenish ng mga stockpiles sa mga LGU na labis na naapektuhan,” ani Quintilla.

Target ng ahensya na makumpleto sa loob ng limang araw ang replenishment ng mga warehouse na nagsusuplay ng ayuda sa mga apektadong lugar.

Maglalagay din ang DSWD ng mga identification signage at “do not delay” signs sa mga delivery truck, kasama ang kaukulang delivery receipts, upang mabilis silang makilala ng NLEX personnel at traffic enforcers habang naghahatid ng relief supplies.

Patuloy naman ang produksyon at repacking ng relief goods sa Luzon Disaster Resource Center sa Pasay City at Visayas Disaster Resource Center sa Mandaue City, katuwang ang mga volunteer at mechanized production systems.

Nasa 3.5 milyong family food packs ang naka-preposition sa mga DSWD hub, spoke at last-mile warehouse sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa agarang deployment sa panahon ng kalamidad.

Nauna nang iniulat ng pamahalaan na mahigit 2.3 milyong FFPs ang naipamahagi ng DSWD sa mga komunidad na naapektuhan ng magkakasunod na bagyong Luis, Maymay at Neneng at ng pinalakas na Habagat. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here