Home NATIONWIDE Prosekusyon kikonokonsiderang ilaglag bribery charge sa impeachment case vs VP Sara

Prosekusyon kikonokonsiderang ilaglag bribery charge sa impeachment case vs VP Sara

2
0

MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ng House prosecution panel na huwag nang ituloy ang Article III o bribery charge sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte upang mapabilis ang paglilitis at magkaroon ng posibleng desisyon ang Senate Impeachment Court bago matapos ang taon.

Kinumpirma ni House prosecution spokesperson at Manila Rep. Joel Chua na kabilang sa kanilang mga opsyon ang pag-drop sa Article III habang pinagtutuunan ang mga alegasyong itinuturing nilang may mas matibay na ebidensya.

“We are considering the dropping of one article, yes,” ani Chua. “Although wala pa talagang final decision. Pero isa ’yan sa mga kino-consider namin.”

Ang Article III ay tumatalakay sa alegasyon ng bribery, graft at corruption kaugnay ng umano’y pamimigay ng cash sa ilang opisyal ng Department of Education noong si Duterte pa ang kalihim ng kagawaran. Itinanggi ng kampo ni Duterte ang mga paratang sa impeachment case.

Ayon kay Chua, nais ng prosekusyon na matapos sa susunod na linggo ang presentasyon nito sa Article I, na nakatuon sa umano’y maling paggamit at iregular na liquidation ng P612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President at DepEd.

Pagkatapos nito, posibleng dumiretso ang prosecution sa Article II, na tumatalakay sa alegasyon ng unexplained wealth at mga umano’y iregularidad sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte.

“Hindi naman puwedeng i-drop ’yung unexplained [wealth] dahil lahat inaabangan na ito,” ani Chua.

Nauna nang natapos ng prosekusyon ang pagpresenta ng ebidensya sa Article IV, kaugnay ng umano’y pagbabanta ni Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.

Target ng prosecution na matapos ang kabuuang presentasyon nito sa unang bahagi o kalagitnaan ng Oktubre upang mabigyan ang depensa ng panahon hanggang Nobyembre na ilahad ang kanilang ebidensya.

“So hopefully by end of November, tapos na pati Defense,” ani Chua, na nagsabing nais nilang maiwasang umabot pa sa susunod na taon ang paglilitis.

Nilinaw din niya na ang posibleng pag-drop sa Article III ay hindi nangangahulugang mahina ang kabuuang impeachment case kundi bahagi ng kanilang estratehiya upang paikliin ang proceedings at ituon ang oras sa mga artikulong nais nilang ganap na maipresenta.

Samantala, hindi na rin planong ipatawag ng prosekusyon sina Lt. Col. Carlos Sandaan Jr. at retired Maj. Gen. Adonis Bajao bilang mga testigo sa Article I dahil magiging kapareho lamang umano ng naunang testimonya nina Col. Manaros Boransing II at Col. Magtangol Panopio ang kanilang ihaharap.

Naunang tumestigo sina Boransing at Panopio tungkol sa mga military certification para sa Youth Leadership Summits at information, education and communication activities na ginamit bilang supporting documents kaugnay ng liquidation ng confidential funds ng DepEd.

Ayon sa kanilang mga testimonya, ang mga sertipikasyon ay nagpapatunay sa pagsasagawa ng mga aktibidad ngunit hindi sa aktuwal na paggamit ng confidential funds ng DepEd. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here