Home NATIONWIDE SC: Delingkwenteng homeowners ‘di maaaring pagbawalang gumamit ng subdivision roads

SC: Delingkwenteng homeowners ‘di maaaring pagbawalang gumamit ng subdivision roads

1
0
Supreme Court

MANILA, Philippines — Hindi maaaring pagbawalan ng homeowners’ associations (HOAs) ang mga miyembrong hindi nakabayad ng association dues na gumamit ng mga common area gaya ng subdivision roads, ayon sa Korte Suprema.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, sinabi ng Supreme Court Third Division na maaaring magpataw ng parusa ang HOA sa mga delinquent members alinsunod sa kanilang bylaws, ngunit hindi absolute ang kapangyarihang ito.

Sa ilalim ng Republic Act No. 9904 o Magna Carta for Homeowners and Homeowners’ Associations, magkaiba ang karapatan ng homeowners na makinabang sa basic community services at facilities at ang karapatang gumamit ng common areas, kabilang ang mga kalsada.

Ayon sa SC, maaaring limitahan ng HOA ang ilang serbisyo gaya ng maintenance at garbage collection sa mga miyembrong hindi nagbabayad ng dues, ngunit hindi maaaring hadlangan ang kanilang paggamit sa subdivision roads.

Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng mag-asawang Linley at Juvy Retirado laban sa La Costa Brava Homeowners’ Association Inc. matapos silang ideklarang delinquent dahil sa hindi pagbabayad ng monthly dues mula 2016 hanggang 2021.

Kabilang sa mga ipinataw na parusa sa kanila ang pagbabawal sa pagpasok ng food at package deliveries, taxis, tricycles at ride-hailing vehicles, gayundin ng kanilang mga bisita.

Ayon sa Korte, ang mga naturang restriksyon ay epektibong humahadlang sa paggamit ng subdivision roads at lumalabag sa karapatan ng homeowners sa common areas.

Pinagtibay din ng SC ang permanenteng disqualification sa mga dating opisyal ng HOA na responsable sa mga parusa, matapos nitong sabihing seryoso ang naging epekto ng mga restriksyon dahil nakahahadlang ang mga ito sa pagkuha ng pangunahing pangangailangan at transportasyon ng mga residente.

Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng mga dating opisyal at pinagtibay ang naunang mga resolusyon ng Court of Appeals. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here