MANILA, Philippines — Pinalagan ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro ang isang quote card ng isang pahayagan na sinabi niyang nagbigay ng maling konteksto sa kanyang pahayag tungkol sa panukalang libreng toll sa North Luzon Expressway (NLEX) sa gitna ng matinding pagbaha at trapiko.
Sa press briefing nitong Miyerkoles, Setyembre 2, sinabi ni Castro na ang linyang “Bakit papasok pa kung traffic na?” ay inilabas nang hindi kasama ang konteksto ng kanyang sagot hinggil sa posibilidad na gawing libre ang toll.
Ayon kay Castro, dahil sa pagkakaputol ng pahayag, inakala umano ng ilang netizen na pinapayuhan niya ang mga manggagawa na huwag nang pumasok sa trabaho dahil lamang sa trapiko.
“Naiba iyong konteksto,” ani Castro, na sinabing ang tinutukoy niya ay kung bakit hihikayatin pang pumasok sa NLEX ang mas maraming sasakyan sa pamamagitan ng libreng toll kung matindi na ang congestion at may mga bahaging mahirap daanan.
Sa press briefing noong Setyembre 1, sinabi ni Castro na maaaring lalo lamang dumami ang sasakyang papasok sa expressway kung gagawing libre ang toll. Ang kanyang buong pahayag ay nag-udyok sa mga motorista na pansamantalang iwasan ang NLEX kung hindi rin makalulusot dahil sa baha at trapiko.
Ipinaliwanag ni Castro na ang posisyon ay kaugnay din ng napag-usapan sa pulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at mga opisyal ng pamahalaan na kailangang mas maagang maabisuhan ang Class 1 motorists kapag hindi na madaanan ang ilang bahagi ng NLEX upang hindi na madagdagan ang volume ng mga sasakyan.
“Bakit ililibre pa iyong toll fee kung makaka-cause siya ng traffic? Hindi na dapat nga dagdagan iyong volume ng sasakyan,” paliwanag niya.
Sinabi ni Castro na ikinalungkot niya ang naging interpretasyon sa kanyang pahayag at iginiit na ang inilabas na quote card ay “nagbo-border” umano sa fake news dahil sa pagkawala ng konteksto.
Nanawagan siya sa media na panatilihin ang buong konteksto ng mga pahayag upang hindi malito ang publiko.
Hindi pinangalanan ni Castro ang pahayagang kanyang tinutukoy. Kris Jose