MANILA, Philippines — Maglalaan ang national government ng humigit-kumulang P300 milyon para sa pagkukumpuni ng Aquino at Agana bridges sa Tarlac City na napinsala sa kasagsagan ng malakas na pag-ulan at pagbaha, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Marcos nitong Miyerkoles, Setyembre 2, na ida-download ang pondo sa lokal na pamahalaan ng Tarlac City dahil local bridges ang mga ito upang mapabilis ang repair works.
“So, para maging mas mabilis ang trabaho, we will be downloading PhP300 million to the local government dahil ito ay local bridge,” ani Marcos matapos inspeksyunin ang dalawang tulay.
Tiniyak niyang magbibigay naman ang national government, kabilang ang Department of Public Works and Highways (DPWH), ng technical assistance sa pagkukumpuni.
Sa inspeksyon sa Agana Bridge sa Romulo Boulevard, Barangay Cut-Cut 1, inatasan ni Marcos si DPWH Secretary Vince Dizon na agad simulan ang pagkukumpuni at maglagay ng Bailey bridge bilang pansamantalang tawiran sa bahaging tinangay ng malakas na agos ng ilog.
Target na mailagay ang Bailey bridge sa loob ng isang linggo at maging passable ang nasirang tulay sa loob ng dalawang linggo para muna sa mga sasakyang may bigat na 10 tonelada pababa.
Bago ang ground inspection, nagsagawa rin si Marcos ng aerial inspection sa mga binahang bahagi ng Tarlac upang makita ang lawak ng pinsala sa mga komunidad at imprastraktura. Kasama niya rito si Dizon.
Kasama sa mga ininspeksyon ng Pangulo ang Aquino at Agana bridges, na kapwa napinsala matapos ang ilang araw na malakas na pag-ulan at pagbaha sa lalawigan.
Nauna nang sinabi ng pamahalaan na gumagamit ng pansamantalang Bailey bridge sa Agana Bridge habang isinasagawa ang pagkukumpuni sa mga imprastrakturang napinsala ng magkakasunod na sama ng panahon. Kris Jose