Home NATIONWIDE Pagkabansot sa mga batang wala pang 2-anyos, bumaba sa 21.1% — DOH

Pagkabansot sa mga batang wala pang 2-anyos, bumaba sa 21.1% — DOH

4
0

MANILA, Philippines — Bumaba sa 21.1% noong 2025 ang stunting rate sa mga batang may edad 0 hanggang 23 buwan sa Pilipinas, mula 22.5% noong 2023, ayon sa Department of Health (DOH).

Inilahad ni Health Secretary Edwin Mercado ang datos sa pagdinig ng House Committee on Appropriations nitong Miyerkoles, Setyembre 2, kaugnay ng panukalang 2027 budget ng ahensya.

“Eight out of 10 children aged 2 years old and below have adequate height for their age,” ani Mercado, bagama’t sinabi niyang malayo pa rin ang bansa sa mga target nito sa nutrisyon.

Ang stunting ay kondisyon kung saan mababa ang tangkad ng bata para sa kanyang edad dulot ng matagal na kakulangan sa nutrisyon, partikular sa kritikal na unang 1,000 araw ng buhay.

Gayunman, habang bumuti ang datos para sa mga batang wala pang dalawang taong gulang, tumaas naman ang kabuuang stunting prevalence sa mga batang wala pang limang taong gulang sa 25.3% noong 2025 mula 23.6% noong 2023, ayon sa pinakahuling National Nutrition Survey.

Sa ilalim ng Philippine Plan of Action for Nutrition (PPAN) 2023–2028, target ng pamahalaan na patuloy na mapababa ang malnutrisyon sa pamamagitan ng pinagsamang nutrition, health, food security, sanitation at social protection programs.

Iniulat din ng DOH sa budget hearing na dalawa sa bawat tatlong bata ang fully immunized, mas mababa pa sa target na 95% vaccination coverage.

Nasa 82.7% naman ang mga sambahayang may access sa basic water supply, habang 64.5% ng mga pamilyang Pilipino ang may access sa modern family planning methods. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here