MANILA, Philippines – Tinatrabaho na ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang enhanced Yaman ng Kalusugan Program (Yakap 2.0) na may pinabuting polisiya at mas mahigpit na verification process, ayon kay PhilHealth president Beverly Lorraine Ho nitong Miyerkules, Setyembre 2.
Sa House budget hearing, sinabi ni Ho na ang Yakap 2.0 ay resulta ng konsultasyon at feedback mula sa iba’t ibang stakeholders.
“We will be coming up with our Yakap 2.0 enhanced policies, and that’s a result of all the consultations and all the feedback that’s coming from the ground,” sinabi ni Ho.
Kabilang dito ang paggamit ng biometrics para iberipika ang aktwal na pasyente at pagsama ng healthcare provider claiming ng pasyente sa eGov app.
Ang mga pagpapabuting ito ay kasunod ng sumbong na ang ilang local government units (LGUs) ay ginagamit ang programa para sa fraudulent activities katulad ng pag-enroll sa mga residente nito nang walang pahintulot at walang kaalam-alam, at paggamit ng pondo para sa maanomalyang transaksyon.
Ang YAKAP ay enhanced primary care benefit package na sakop ang konsultasyon, indicated laboratory at cancer screening tests, at maging ang niresetang gamot.
Ngayong taon, isinama ng PhilHealth ang screening tests para sa breast, liver, lung, at colorectal cancer.
Nag-aalok din ang YAKAP ng libreng konsultasyon, 13 libreng laboratory procedures, at 75 libreng gamot. RNT/JGC