Home METRO 2 utas, 4 sugatan sa tumaob na bangka sa Cagayan river

2 utas, 4 sugatan sa tumaob na bangka sa Cagayan river

4
0

NUEVA VIZCAYA, Philippines – Dalawa ang namatay at apat ang nasugatan matapos tumaob ang isang bangkang may sakay na walong pasahero sa bahagi ng Cagayan River sa Barangay Paitan, Bayombong, Nueva Vizcaya noong Miyerkules ng umaga, Setyembre 2.

Ayon sa pulisya, sakay ng bangka ang dalawang operator, anim na pasahero at tatlong motorsiklo nang tumaob ito dahil sa malakas na hangin at alon.

Ayon kay PMaj. Anthony Ayungo, hepe ng Bayombong Police Station, narekober na ang dalawang nasawi. Isa sa mga bangkay ay natagpuan mga apat na kilometro mula sa lugar ng insidente ilang oras matapos ang aksidente. Dinala naman sa ospital ang apat na nasugatan.

Sinabi ni Ayungo na lampas-tao na ang taas ng tubig sa ilog at maaari pa itong tumaas dahil sa mga pag-ulan nitong mga nakaraang araw.

Wala ring nakasuot na life vest sa mga pasahero nang mangyari ang insidente. Ayon kay Ayungo, nakasanayan na ng mga residente ang pagtawid nang walang life vest dahil maikli lamang ang biyahe sa bangka.

Posibleng malalakas na alon at hangin ang dahilan ng pagtaob. Ito rin ang unang naiulat na insidente ng pagtaob ng bangka sa lugar.

Dahil dito, hinikayat ni Ayungo ang mga residente na iwasang gumamit ng bangka, lalo na kapag masama ang panahon. Maaari umanong gamitin ang alternatibong ruta na mas matagal man ang biyahe ngunit mas ligtas. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here