Home NATIONWIDE PTCA sa mga pampublikong paaralan, isinusulong sa Kamara

PTCA sa mga pampublikong paaralan, isinusulong sa Kamara

3
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan sa ikalawang pagbasa ng House of Representatives ang House Bill (HB) No. 10768 na naglalayong gawing mas matatag at legal ang Parent-Teacher and Community Associations (PTCAs) sa mga pampublikong paaralan.

Inaprubahan ang panukala sa pamamagitan ng voice vote noong Setyembre 2, at inisponsoran ni Cavite 2nd District Rep. Lani Mercado-Revilla.

Layunin ng HB 10768 na amyendahan ang Presidential Decree No. 603 o Child and Youth Welfare Code upang magkaroon ng malinaw na legal na batayan at papel ang PTCAs sa kapakanan at proteksiyon ng mga bata.

Ayon kay Mercado-Revilla, responsibilidad ng pamilya, paaralan at komunidad ang kaligtasan at pag-unlad ng mga bata. Lalong naging mahalaga ang mas matibay na ugnayan ng mga ito matapos ang mga insidente ng karahasan sa mga paaralan sa Tacloban City at Zamboanga City na ikinasawi ng limang estudyante.

“These incidents should remind us that the safety and well-being of our children cannot be the responsibility of schools alone. Parents and communities must also be actively involved in creating an environment where our children feel safe, protected and heard,” ani Mercado-Revilla.

Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng PTCA ang bawat pampublikong child development center at basic education school. Kabilang sa miyembro ang mga magulang, parent-substitutes, guro o child development teachers, at isang non-voting community representative. Hihikayatin din ang mga pribadong paaralan na magkaroon ng katulad na samahan.

Magtatalaga rin ang PTCA ng isang parent member bilang kinatawan sa school Child Protection Committee. Ang mga reklamo tungkol sa child protection ay maaaring i-refer sa Child Protection Committee, Barangay Council for the Protection of Children, local social welfare office o iba pang kinauukulang awtoridad.

Maaari ring tumulong ang PTCAs sa mga programa tungkol sa child protection, literacy, health and nutrition, mental health, disaster risk reduction, online safety, digital literacy at pag-iwas sa karahasan at pagsasamantala sa mga bata.

Tinutulungan din ng panukala na marinig ang boses ng mga bata sa pamamagitan ng student councils, child o youth organizations at iba pang ligtas at angkop na mekanismo.

Gayunman, nilinaw na ang PTCA ay mananatiling consultative at supportive body at hindi makikialam sa awtoridad ng Department of Education, school heads at iba pang legal na awtoridad.

Boluntaryo ang membership at bawal ang mandatory fees. Hindi rin maaaring alisin sa isang estudyante ang anumang karapatan, benepisyo o pribilehiyo dahil lamang sa hindi pagsali o hindi pagbibigay ng boluntaryong kontribusyon ng kanyang magulang.

“At its core, this bill recognizes that the upbringing and protection of a child is never the work of schools alone, nor of parents alone, but a shared responsibility that unites home, school, and community in common purpose,” ani Mercado-Revilla.

Ang HB 10768 ang substitute measure para sa HB Nos. 415, 2972 at 4069 at naunang inendorso ng Committee on Welfare of Children. Maaari itong isalang sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara sa susunod na linggo. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here