MANILA, Philippines – Sinisilip ng administrasyong Marcos ang Flood Management Masterplan na ginawa sa panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ito ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa gitna ng ikinakasang Masterplan ng pamahalaan para maipatupad na ito sa lalong madaling panahon.
Ani Castro, base sa kanilang naging pag- uusap ni DPWH Secretary Vince Dizon, sinabi aniya ng Kalihim na kanilang binabalikan ang ginawang plano na tinawag na Aquino- Singson masterplan.
Sa kasalukuyan aniya, ang tanging hawak lamang ni Dizon ay ang nauukol sa plano hinggil sa major river basin.
Sinabi nito na wala aniyang nakarating sa kanilang Aquino- Singson masterplan na sinasabing nai- turn over naman sa Duterte Administration pagbaba sa puwesto ng namayapang Pangulo ng bansa. (KRIS JOSE)