TEHRAN, Iran – Umabot sa 18 katao ang nasawi at 108 ang nasugatan sa mga pag-atake ng Estados Unidos sa Iran noong Martes ng gabi, ayon sa Iranian health minister.
Kabilang dito ang apat na namatay at 67 nasugatan sa isang kasalan malapit sa Strait of Hormuz, ayon sa Iranian Red Crescent.
Muling nagkaroon ng tensiyon sa rehiyon matapos magsagawa ang Iran ng missile at drone attacks laban sa umano’y mga US assets sa Bahrain, Jordan, Kuwait at Iraq.
Matagal na ring halos tumahimik ang labanan matapos ang huling palitan ng pag-atake noong Hulyo, ngunit hindi umusad ang peace talks.
Nagbabala naman si US President Donald Trump na maaari pang gumamit ng mas malaking puwersang militar, kahit hindi popular sa US ang digmaan at nagdulot ito ng pagtaas ng presyo ng gasolina.
Sinabi ng UN Secretary-General Antonio Guterres na siya ay “deeply alarmed by reports of civilian casualties, including a strike that reportedly hit a wedding ceremony in Iran,” at nanawagan ng agarang pagtigil sa mga operasyong militar.
“The Secretary General condemns all attacks against civilians. He recalls that all parties must respect their obligations under international humanitarian law, including the principles of distinction, proportionality, and precaution,” ayon kay UN spokesperson Stephane Dujarric.
Ayon sa Human Rights Activists News Agency (HRANA), 3,636 katao na ang dokumentadong nasawi sa Iran hanggang Abril 7, kabilang ang 1,701 sibilyan. Samantala, iniulat ng US na 18 sundalo nito ang namatay at mahigit 750 ang nasugatan.
Sinabi naman ni US Navy Captain Tim Hawkins, tagapagsalita ng US Central Command: “We are aware of reports, which originated from Iranian state media. The US military never targets civilians, unlike the IRGC.”
Naglabas ang Iranian Red Crescent ng video at mga larawan ng pinsala sa lugar ng kasalan, kabilang ang isang gusaling may malaking butas sa bubong at isang utility tower na bumagsak. Na-verify ng Reuters ang lokasyon gamit ang satellite imagery.
Ang insidente sa kasalan ay nagpapaalala sa pagsabog sa isang paaralan sa Minab na ikinasawi ng 160 katao sa unang araw ng digmaan. Hindi pa naglalabas ang Pentagon ng opisyal na resulta ng imbestigasyon. Ayon sa dalawang source na may kaalaman sa usapin, maaaring dulot ito ng paggamit ng lumang targeting data ng US.
Nanawagan na rin ang ilang Democratic lawmakers sa US na ilabas ang resulta ng imbestigasyon, ngunit hindi pa ito naibibigay sa Kongreso.
Samantala, binabanggit ng mga tagasuporta ng digmaan ang mga sibilyang namatay sa pagresponde ng Iran sa mga protesta noong Disyembre at Enero. Tinatayang mahigit 7,000 ang nasawi ayon sa HRANA, habang mas mataas pa ang bilang na sinasabi ng mga Iranian exile groups.
Ayon kay Trump, kabilang sa mga layunin ng digmaan ang pagbibigay ng insentibo sa mga Iranian na pabagsakin ang kanilang gobyerno, pagpigil sa nuclear program ng Iran at pagtigil sa suporta nito sa mga militanteng grupong gaya ng Hamas, Hezbollah at Houthis.
Bilang tugon sa mga pag-atake, nagbanta rin ang Iran laban sa mga oil tanker na dadaan sa Strait of Hormuz nang walang pahintulot nito. Dahil dito, matinding nabawasan ang trapiko sa mahalagang daanang-dagat na dati ay nagdadala ng humigit-kumulang 20% ng suplay ng langis sa mundo. RNT/MDS