Home NATIONWIDE Alak, vendors, party, at noise pollution ipagbabawal sa panahon ng Bar Exam...

Alak, vendors, party, at noise pollution ipagbabawal sa panahon ng Bar Exam sa Maynila

3
0

MANILA, Philippines – Mahigpit na ipatutupad ang liquor ban at pagbabawal sa mga vendor, videoke at paty gayundin ang anumang makakaistorbo sa paligid ng University of Santo Tomas (UST) at San Beda University habang isinasagawa ang 2026 Bar Examinations.

Ito ang mahigpit na kautusan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa ilalim ng Executive Order No. 33, Series of 2026, na naglalayong tiyakin ang katahimikan, seguridad at maayos na kondisyon para sa mga kukuha ng Bar.

Sakop ng mga pagbabawal ang 500-meter radius mula sa UST sa España Avenue at San Beda University sa Mendiola sa mga araw ng pagsusulit na Setyembre 6, 9 at 13, 2026.

LSimula hatinggabi bago ang bawat araw ng pagsusulit hanggang alas-10 ng gabi, ipatutupad ang liquor ban sa nasabing lugar.

Kasama rin sa ipinagbawal ang mga ambulant vendor sa loob ng 500-meter radius sa mga itinakdang araw.

Hindi rin palulusutin ang videoke, karaoke, malalakas na sound system, speakers, musical equipment at iba pang maaaring pagmulan ng nakakabulahaw na ingay.

Bawal din ang salubong, parties, concerts at iba pang aktibidad na maaaring makagambala sa mga examinee.

Kaugnay nito, magkakaroon din ng road closures at traffic control measures sa paligid ng dalawang testing sites.

Sa UST, isasara ang Dapitan Street mula alas-2 ng madaling-araw hanggang alas-7 ng gabi sa Setyembre 6, 9 at 13.

Isasara rin ang dalawang pinakadulong westbound lanes sa panig ng UST ng España Boulevard mula Lacson Avenue hanggang P. Noval Street, sa itinakdang oras.

Sa San Beda naman, isasara ang bahagi ng Mendiola Street, Concepcion Aguila Street at Legarda Street mula alas-2 ng madaling-araw hanggang alas-7 ng gabi sa mga araw ng Bar.

Samantala, isasara rin ang Extremadura Street para sa National Headquarters sa Blessed Pier Giorgio Frassati, O.P. Building ng UST.

Layunin ng hakbang na mapanatili ang katahimikan at seguridad sa paligid ng testing sites upang makapagpokus nang husto ang mga bar examinee sa kanilang pagsusulit. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here