Home METRO P162.2M kush, nasabat sa distressed yacht sa Subic

P162.2M kush, nasabat sa distressed yacht sa Subic

1
0

ZAMBALES, Philippines – Tinatayang nasa ₱162.2 milyon halaga ng high-grade marijuana o “Kush” ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa isang distressed sailing yacht sa Subic Bay Yacht Club sa Zambales.

Isinagawa ang operasyon noong Setyembre 2, 2026 matapos makatanggap ang BOC-Port of Subic ng impormasyon hinggil sa isang sailing yacht na humingi ng emergency shelter at pagkukumpuni sa Subic Bay Yacht Club dahil sa masamang panahon.

Nagmula umano ang naturang sasakyang-dagat sa Kota Kinabalu, Malaysia at patungong Taiwan. Sakay nito ang mga tripulanteng Thai at Malaysian.

Dahil sa impormasyong posibleng may dalang mga ipinagbabawal na kontrabando ang yacht, agad na nagsagawa ng inspeksyon ang mga awtoridad.

Naglabas si BOC-Port of Subic District Collector Atty. Geniefelle P. Lagmay ng Mission Order para sa inspeksyon at paghahalughog sa sasakyang-dagat.

Nakipag-ugnayan ang BOC sa Subic Bay Metropolitan Authority Law Enforcement Department (SBMA-LED), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of Justice (DOJ), mga opisyal ng barangay, Subic Bay Yacht Club at iba pang miyembro ng composite enforcement team.

Sa isinagawang inspeksyon, tumambad ang 98.332 kilo ng Kush, na tinatayang may street value na ₱162.2 milyon.

Ayon kay Lagmay, patunay ang operasyon sa mabilis na pagtugon at pagbabantay ng BOC laban sa pagpasok ng mga ilegal na droga at iba pang kontrabando sa bansa.

Sinabi naman ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na nagpapakita ang pagkakasabat ng droga ng patuloy na pagbabantay ng ahensya sa mga hangganan ng bansa.

Binigyang-diin din ni Nepomuceno ang kahalagahan ng mabilis at intelligence-driven na operasyon upang mapigilan ang pagpasok ng mga ilegal at mapanganib na kontrabando.

Iniugnay ng BOC ang operasyon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang border protection at paigtingin ang kampanya laban sa trafficking at pagpasok ng ilegal na droga at iba pang ipinagbabawal na produkto.

Agad namang isinuko sa PDEA ang nakumpiskang marijuana para sa tamang disposisyon at pagsasagawa ng kaukulang legal na proseso alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.

Sinabi ng BOC na magpapatuloy ang Port of Subic sa mahigpit na pagbabantay sa mga hangganan upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga at iba pang kontrabando sa bansa. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here