MANILA, Philippines – Isinusulong ng Department of Education (DepEd) ang bagong Executive Order na magpapabago sa sistema ng suspensyon at pagpapatuloy ng face-to-face classes upang mas maging localized at nakabatay sa aktuwal na kondisyon sa isang lugar.
Ayon sa DepEd, inaprubahan na ng Social Development Committee Cabinet Cluster ang panukalang rebisyon sa umiiral na framework sa ilalim ng Executive Order No. 66, series of 2012, matapos itong iharap ni Education Secretary Sonny Angara.
Sa panukala, magkakaroon ng tatlong mekanismo sa pagdedesisyon: automatic class suspensions batay sa national technical thresholds, localized suspensions na pagpapasyahan ng local chief executives, at granular suspension at resumption ng klase sa mga partikular na lugar o paaralan.
Palalawakin din ang mga hazard na maaaring maging batayan ng suspensyon. Bukod sa bagyo, kabilang dito ang heavy rainfall, pagbaha, lindol, storm surge, poor air quality, volcanic smog at iba pang volcanic hazards, gayundin ang extreme heat na umaabot sa 40 degrees Celsius o mas mataas na heat index.
Sinabi ni Angara na layunin ng panukala na mapanatili ang kaligtasan ng mga mag-aaral at school personnel habang iniiwasan ang hindi kinakailangang pagkawala ng araw ng pag-aaral.
Mula Hunyo 8 hanggang Agosto 31 ngayong taon, tinatayang 20 hanggang 40 instructional days na ang nawala sa ilang paaralan dahil sa sama ng panahon at disaster-related suspension ng face-to-face classes, ayon sa DepEd.
Mananatili naman sa mga school head ang kapangyarihang magsuspinde ng in-person classes batay sa dokumentadong site-specific assessment at pagsang-ayon ng Schools Division Superintendent.
Sa kasalukuyan, umiiral ang DepEd Order No. 022, s. 2024 na nagtatakda ng revised guidelines sa class at work suspensions sa mga paaralan sa panahon ng disasters at emergencies.
Kapag naisumite at naaprubahan ang bagong EO, inaasahang magbibigay ito ng mas malawak na flexibility sa local officials at school administrators upang magpasya kung kailangang magsuspinde—o kung maaari nang agad ipagpatuloy—ang klase batay sa aktuwal na kondisyon sa kanilang lugar. Santi Celario