MANILA, Philippines – Itinanggi ng Department of Agriculture (DA) nitong Huwebes ang kumakalat na social media posts na nagsasabing mamamahagi umano ng libreng bigas sa mga hog raiser na nalugi dahil sa mababang presyo ng baboy.
Sa Facebook post, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na hindi sa kanya nagmula ang naturang pahayag.
“Hindi totoo ang kumakalat na pahayag tungkol umano sa pagbibigay ng bigas sa naluging hog raisers dahil sa mababang presyo ng baboy,” ani Tiu Laurel.
Hindi bababa sa dalawang pekeng quote card na gumagamit ng larawan ng kalihim ang kumalat online upang ipakalat ang maling impormasyon.
Hinimok ng DA ang publiko na huwag agad maniwala o magbahagi ng mga post na walang malinaw at beripikadong pinagmulan.
Pinayuhan din ang publiko na i-check ang mga anunsyo sa opisyal na social media pages at iba pang verified channels ng ahensya bago ito paniwalaan o ipamahagi. RNT