MANILA, Philippines – Hindi sapat ang acknowledgment receipt lamang upang patunayan ang pagbabayad ng “rewards” mula sa confidential funds, paglilinaw ng Commission on Audit (COA) nitong Huwebes.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang 2027 budget ng COA, sinabi ni Commissioner Douglas Mallillin na kailangang may dokumentong magpapatunay na nagbunga ng matagumpay na confidential o intelligence operation ang impormasyong ibinigay ng isang informant.
“Pag sinabi po natin reward, may kaakibat na success. At mas mahigpit po ang pag-audit ng reward,” ani Mallillin.
Ayon sa COA official, maaaring kabilang sa supporting documents ang police affidavits, detention records, litrato at iba pang rekord na mag-uugnay sa impormasyong ibinigay sa aktuwal na resulta ng operasyon.
Kung acknowledgment receipt lamang ang isusumite para sa isang reward, sinabi ni Mallillin na maaari itong agad ma-disallow dahil hindi nito napapatunayan ang resulta ng operasyon.
Nilinaw naman niyang hindi kinakailangang humantong sa pag-aresto o conviction ang isang operasyon para maituring na matagumpay, ngunit dapat may dokumentadong positibong resulta na direktang kaugnay ng awtorisadong confidential activity.
Pinag-aaralan din ng COA at iba pang ahensya ang pagrebisa sa Joint Circular No. 2015-01 na nagtatakda ng mga patakaran sa paggamit, liquidation at audit ng confidential at intelligence funds. Sa kasalukuyang circular, kabilang sa liquidation requirements ang documentary evidence of payments at certification ng head of agency.
Kabilang sa nais higpitan ang paggamit ng aliases o codenames ng mga informant, supporting documents, pagtatago ng sensitibong records at proseso sa pag-isyu ng notices of disallowance.
Isa sa mga opsyong pinag-aaralan ang pagkakaroon ng mekanismo kung saan malalaman ng awtorisadong opisyal ang tunay na identidad sa likod ng alias habang bibigyan ang COA ng kontroladong access nang hindi inilalantad ang informant o nalalagay sa panganib ang sensitibong operasyon.
Ang 2015 Joint Circular ang kasalukuyang pangunahing patakaran sa entitlement, release, paggamit, reporting at audit ng confidential at intelligence funds ng mga ahensya ng gobyerno. Dave Medina