Home NATIONWIDE Impeachment trial ni VP Sara posibleng umabot sa 2027

Impeachment trial ni VP Sara posibleng umabot sa 2027

1
0

MANILA, Philippines – Posibleng umabot hanggang 2027 ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil sa masikip na iskedyul ng Senado sa mga natitirang buwan ng taon, ayon sa spokesperson ng Senate impeachment court.

Sinabi ni Atty. Reginald Tongol na kahit matapos ng prosecution panel ang presentasyon ng kanilang kaso sa Oktubre, limitado ang magiging trial dates sa Nobyembre dahil sa plenary deliberations para sa panukalang 2027 national budget.

Sa Disyembre naman, tinatayang siyam na araw lamang ang maaaring ilaan sa impeachment proceedings bago mag-legislative break ang Senado sa Disyembre 19.

Dahil dito, posible umanong hindi matapos ng defense panel ang presentasyon ng kanilang mga testigo bago matapos ang taon.

May nakahandang humigit-kumulang 17 testigo ang depensa, habang pinag-aaralan naman ng prosecution ang pagbabawas ng mga testigo at maging ang posibilidad na hindi na ituloy ang impeachment article kaugnay ng umano’y bribery upang mapabilis ang paglilitis. Wala pang pinal na desisyon hinggil dito.

Nauna nang inilatag ni impeachment court presiding officer Sen. Francis “Chiz” Escudero ang draft schedule kung saan magkakaroon ng whole-day hearings sa ilang petsa sa Oktubre bago pansamantalang tumigil ang paglilitis upang bigyang-daan ang budget hearings.

Target pa rin ng impeachment court na matapos ang kaso bago matapos ang 2026, ngunit kinilala ng mga opisyal ng Senado na maaaring hindi ito kayanin dahil sa dami ng testigo, ebidensya at iba pang tungkulin ng Senado. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here