MANILA, Philippines – Iminungkahi ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang P1.62 bilyong pondo para sa Expanded National Greening Program (NGP) sa 2027, halos tatlong beses na mas mataas kaysa sa P565 milyon na inilaan para rito ngayong 2026.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), mas mataas ng 186.32 porsiyento ang panukalang pondo sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP) kumpara sa 2026 General Appropriations Act (GAA).
Layunin ng programa na magtanim, mag-alaga at magprotekta ng 18,645 ektarya ng kagubatan at iba pang lupain sa bansa upang palakasin ang kakayahan ng mga komunidad na harapin ang epekto ng climate change at suportahan ang kanilang kabuhayan.
Ayon sa DBM, makatutulong ang dagdag na pondo sa rehabilitasyon ng kagubatan, pangangalaga sa kalikasan at pagpapalakas ng climate resilience. Nagsisilbi ring panangga ang kagubatan laban sa soil erosion at pagbaha, bukod sa pagprotekta sa biodiversity at pagsipsip ng carbon.
Hindi lamang pagtatanim ng puno ang saklaw ng programa. Kabilang din dito ang pag-aalaga at pagprotekta sa mga lugar na na-rehabilitate na upang matiyak ang pangmatagalang benepisyo.
Magbibigay rin ito ng kabuhayan sa mga komunidad sa kabundukan at kapatagan, kabilang ang mga katutubo, sa pamamagitan ng kanilang pakikilahok sa pangangalaga ng kagubatan.
Pinangungunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang programa, katuwang ang Department of Agriculture (DA), Department of Agrarian Reform (DAR), iba pang ahensiya at mga stakeholder.
Bahagi ang P1.62 bilyon ng kabuuang P29.47 bilyong panukalang badyet ng DENR para sa 2027, mas mataas ng 4.24 porsiyento kumpara sa P28.27 bilyon noong 2026. Jocelyn Tabangcura- Domenden