MANILA, Philippines – Bumagsak sa ₱63.545 ang piso kada dolyar sa intraday trading nitong Huwebes bago bahagyang bumawi at magsara sa ₱63.52 kada dolyar.
Inaasahang magpapamahal sa mga binibiling langis mula sa ibang bansa ang paghina ng piso dahil dolyar ang ginagamit sa pagbili nito. Maaari rin itong magpalala ng inflation at makaapekto sa utang ng bansa sa mga dayuhang nagpapautang, na bumubuo sa isang-katlo ng kabuuang sovereign debt ng Pilipinas.
Makikinabang sa simula ang mga pamilyang tumatanggap ng remittance mula sa mga overseas Filipino worker (OFW) dahil mas maraming piso ang katumbas ng bawat dolyar. Gayunman, maaaring mabawasan din ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang kanilang kakayahang bumili.
Itinaas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa 5.5% ang policy rate dahil sa tumitinding panganib ng inflation. Nilinaw naman ni BSP Governor Eli Remolona na hindi nila itinataas ang interest rate upang ipagtanggol ang piso.
“We’re not hiking the policy rate to defend the peso. We do intervene a little bit in the foreign exchange market, but that’s mainly to avoid swings in the exchange rate that tend to be inflationary,” ani Remolona.
Dagdag niya, nakikialam lamang ang BSP sa foreign exchange market kapag ang paggalaw ng piso ay maaaring magdulot ng inflation.
“We don’t defend the level..so we let the market determine that, and hopefully the market gets it right over the over the long term,” paliwanag niya.
Ayon sa mga analyst, naapektuhan ang piso at iba pang pera matapos lumabas ang datos na mas mataas kaysa inaasahan ang inflation sa Estados Unidos. Nagpalakas ito sa posibilidad na muling magtaas ng interest rate ang US Federal Reserve, na maaaring magpatibay pa sa dolyar.
Inaasahan ng mga analyst na pananatilihin muna ng Fed ang interest rate sa pulong nito ngayong buwan, ngunit posibleng magtaas muli sa Disyembre. RNT/MDS