Home NATIONWIDE PCG magtataas ng alert status sa Undas

PCG magtataas ng alert status sa Undas

1
0

MANILA, Philippines – Magtataas ng alert status ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa Undas 2026 dahil sa inaasahang pagdagsa ng 1.5 milyon hanggang 2 milyong pasahero sa mga pantalan sa buong bansa.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, inatasan ang lahat ng 17 Coast Guard Districts na paigtingin ang maritime safety at security operations sa ilalim ng “Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2026” mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3, 2026.

“The PCG Command Center monitored 1.5 million passengers amid Undas 2025. This year, we anticipate 1.5 million to two million passengers to travel by sea during the same period,” ani Cayabyab.

Sakop ng operasyon ang mga pangunahing pantalan, daluyan ng tubig, beach resort at iba pang pasyalan sa dagat na inaasahang dadagsain ng mga biyahero.

Magsasagawa ang PCG ng masusing inspeksiyon sa mga barko upang maiwasan ang overloading at magpapatupad ng maritime patrols laban sa mga posibleng banta sa seguridad. Maghahanda rin ng mga response group at medical team para sa mga emergency.

Magbabantay din ang mga tauhan ng PCG sa Malasakit Help Desks ng Department of Transportation (DOTr) upang matulungan ang mga pasahero at matanggap ang kanilang mga reklamo.

Nakikipag-ugnayan ang PCG sa Philippine Ports Authority (PPA), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Maritime Industry Authority (MARINA) at mga lokal na pamahalaan para matiyak ang ligtas na paggunita ng Undas 2026 at maiwasan ang anumang nasawi, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Pinaalalahanan ng PCG ang publiko na sumunod sa mga patakaran sa kaligtasan sa dagat at agad iulat sa mga awtoridad ang kahina-hinalang bagahe o indibidwal. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here