LEGAZPI CITY, Philippines – Nakapagtala ang Mayon Volcano ng 8,165 tonelada kada araw na sulfur dioxide (SO2) emission noong Setyembre 3, ang ikalawang pinakamataas na naitala mula nang magsimulang bumaba ang volcanic gas concentrations noong Hulyo 16, ayon sa PHIVOLCS.
Sinabi ng PHIVOLCS sa advisory nitong Biyernes, Setyembre 4, na mas mataas ito sa average na 4,196 tonelada kada araw na SO2 emission mula nang ibaba sa Alert Level 2 ang Mayon noong Agosto 5.
Kasabay ng biglaang pagtaas ng SO2 emission ang bahagyang pagdami ng low-frequency volcanic earthquakes na iniuugnay sa volcanic degassing. Naitala rin ang pamamaga o pressurization sa ilang bahagi ng bulkan.
Sa 24-hour monitoring bulletin ng PHIVOLCS nitong Setyembre 4, nakapagtala rin ng 10 volcanic earthquakes sa Mayon.
Nagbabala ang ahensya na ang mataas na SO2 emission ay maaaring indikasyon ng posibilidad ng panibagong eruptive activity sa summit crater.
Nananatili sa Alert Level 2, o moderate level of unrest, ang Mayon Volcano.
Patuloy na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometer-radius Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa panganib ng biglaang steam-driven o phreatic eruptions, rockfall at iba pang volcanic hazards. Nagbabala rin ang PHIVOLCS sa posibilidad ng lahar kapag may malakas at matagal na pag-ulan.
Pinayuhan ang mga komunidad at lokal na pamahalaan sa paligid ng bulkan na manatiling alerto at maging handa sakaling tumaas pa ang aktibidad ng Mayon. Santi Celario