Home METRO Pulis Cavite, humingi ng tawad sa sinasabing pananakit sa estudyante

Pulis Cavite, humingi ng tawad sa sinasabing pananakit sa estudyante

2
0

MANILA, Philippines – Humingi ng paumanhin ang isang police master sergeant na inireklamo ng 20-anyos na college student kaugnay ng umano’y pananakit at pagbabanta sa Trece Martires City, Cavite noong Agosto 27.

Sa pagharap nito sa National Police Commission (NAPOLCOM) nitong Huwebes, inamin ng pulis na nagkamali siya at sinabing handa niyang harapin ang magiging desisyon kaugnay ng kaso.

“Humihingi po ako ng tawad sa nagawa kong kasalanan. Aminado naman po ako na nagkamali ako,” aniya.

Nauna nang naghain ng reklamo sa NAPOLCOM ang estudyanteng itinago sa pangalang “Ace.” Ayon sa kanyang salaysay, nangyari ang insidente matapos siyang mag-U-turn sa Governor’s Drive sa Barangay San Agustin habang nasa unahan ng sasakyan ng pulis.

Sinabi ng NAPOLCOM na iniimbestigahan nito ang reklamo, kabilang ang alegasyong binangga ng pulis ang motorsiklo ng estudyante, sinaktan siya, hinampas umano ng baril at pinagbantaan.

Sa pagdinig, kinuwestiyon din ni NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan ang paunang paghawak ng kaso matapos lumitaw ang alegasyon na pinuwersa umano ng kapatid ng respondent, na isa ring police officer, ang imbestigador na humawak sa insidente.

Dahil dito, ipinag-utos ang hiwalay na motu proprio investigation upang alamin kung nagkaroon ng posibleng panghihimasok o obstruction sa imbestigasyon.

Patuloy na iniimbestigahan ng NAPOLCOM ang pananagutan ng mga sangkot. Ang paghingi ng tawad ng respondent ay hindi pa katumbas ng pinal na administrative o criminal finding laban sa kanya. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here