Home METRO Estudyanteng nagpanggap na nakidnap humingi ng P300K ransom, buking, arestado

Estudyanteng nagpanggap na nakidnap humingi ng P300K ransom, buking, arestado

1
0

LIPA CITY, Batangas – Arestado ang isang 19-anyos na college student matapos umanong gumawa ng pekeng kidnapping scenario at humingi ng P300,000 ransom mula sa kanyang pamilya sa Lipa City nitong Huwebes.

Ayon sa pulisya, unang iniulat ng ina ng estudyante na dinukot umano ang kanyang anak matapos makatanggap ng mga video at mensahe sa Messenger na humihingi ng ransom.

Kumalat din ang mga video sa mga kamag-anak, kaibigan at iba pang kakilala ng pamilya, dahilan upang magsagawa ng imbestigasyon ang Lipa City police.

Kalaunan, natunton ng mga awtoridad ang estudyante at lumabas umano sa imbestigasyon at CCTV footage na walang naganap na kidnapping at siya mismo ang nag-ayos ng mga pangyayari upang magmukhang dinukot siya.

Sinabi ng pulisya na inamin din ng estudyante ang kanyang partisipasyon sa insidente.

Dahil dito, inaresto siya at nahaharap sa reklamong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Ayon sa pulisya, nagdulot ng takot at pangamba sa publiko ang kumalat na pekeng kidnapping report at nagresulta rin sa paggamit ng police resources para sa imbestigasyon.

Ang reklamo laban sa estudyante ay kailangan pang dumaan sa kaukulang proseso ng prosekusyon. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here