Home NATIONWIDE IBP kay Remulla: Patunayan, pormal na ihain mga alegasyon vs judiciary

IBP kay Remulla: Patunayan, pormal na ihain mga alegasyon vs judiciary

3
0
(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – Hinimok ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na pormal na ihain at suportahan ng ebidensya ang kanyang mga alegasyon laban sa umano’y katiwalian sa hudikatura.

Sinabi ni IBP National President Allan Panolong na sinusuportahan ng grupo ang posisyon ng Supreme Court na dapat seryosohin ang mga alegasyon ng korapsyon ngunit kailangang dumaan ang mga ito sa tamang proseso.

“The proper way is to make a formal complaint before the SC against the judge or justice who is allegedly involved in any corrupt act,” ani Panolong.

Nauna nang sinabi ni Remulla sa Senate budget hearing na nakadidismaya umano ang ilang desisyon ng Court of Appeals na bumabaligtad sa mga ruling ng Office of the Ombudsman. Sinabi rin niyang natalakay na niya ang usapin kay Supreme Court Senior Associate Justice Marvic Leonen.

Bilang tugon, sinabi ng Supreme Court na hindi ito maaaring kumilos batay lamang sa malawak na alegasyon laban sa isang buong appellate court at hinimok si Remulla o sinumang may impormasyon na magsumite ng pormal na reklamo at supporting evidence.

Iginiit naman ng IBP na tutol ito sa anumang uri ng korapsyon at abuso sa kapangyarihan sa loob ng judiciary.

Samantala, sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida na normal para sa mga abogado ang makaramdam ng pagkadismaya sa ilang desisyon ng korte ngunit mahalagang patunayan ang mga alegasyon at gamitin ang umiiral na legal na proseso.

Ayon kay Vida, maaaring maging “healthy exchange” ang usapin kung hahantong ito sa mas maayos at mas matibay na sistema ng hustisya. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here