Home NATIONWIDE Amyenda sa Free College Law suportado ni Bam: ‘Tulong sa internship RLE ‘

Amyenda sa Free College Law suportado ni Bam: ‘Tulong sa internship RLE ‘

3
0
(c) Cesar Morales

 MANILA, Philippines – Naniniwala si Senador Bam Aquino na ang pagsasabatas ng mga amyenda sa batas para sa Libreng Kolehiyo, na kanyang isinulong bilang principal sponsor noong 2017, ay lalo pang magpapatibay sa suporta ng pamahalaan sa mga estudyanteng Pilipinong higit na nangangailangan nito.

“Iyong mga amendments sa Republic Act 10931 o batas para sa Libreng Kolehiyo, maganda po ito. Unang-una, masisigurado na iyong mga kabataan na talagang nangangailangan ay makakuha ng tulong,” wika ni Aquino matapos dumalo sa ceremonial signing ng Republic Act No. 12325, o ang Act Enhancing the Universal Access to Quality Tertiary Education Act, sa Malacañang.

Isinulong ni Aquino ang pagpasa ng RA 10931 bilang principal sponsor noong panahon niya bilang chairperson ng Senate Committee on Education noong 17th Congress.

Sinabi ni Aquino na kabilang sa mga amyenda ang tulong pinansiyal para sa internship at Related Learning Experience (RLE) programs, na ipinangako niyang itutulak noong kanyang 2025 senatorial campaign.

“Iyong isang nilaban po natin, iyong tulong sa mga nurse para sa RLE nila o related learning experience, kasama na rin dito sa bagong batas,” sabi ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Bilang co-author ng panukala sa Senado, itinulak ni Aquino ang pagsama ng RLE financial assistance sa bicameral conference committee, bilang pagtupad sa kanyang pangako noong kampanya na pagtitibayin ang suporta para sa mga nursing at allied health sciences students na humaharap sa mataas na gastusin sa RLE.

Binigyang-diin ng senador na karaniwang umaabot sa P20,000 hanggang P80,000 ang mga gastusin para sa RLE, na nagdaragdag sa pinansiyal na pasanin ng mga estudyanteng kumukuha ng nursing at iba pang health sciences programs. Dahil dito, may ilang estudyante pa ang napilitang huminto sa pag-aaral.

“Ito’y katuparan ng ating pangako noong kampanya na isusulong ang tulong pinansiyal para sa RLE ng nursing at allied health sciences students,” wika niya.

“Malaking tulong ito para mabawasan ang kanilang gastusin at makakagaan sa pasanin ng pamilya lalo ngayong mataas ang presyo ng bilihin,” dugtong pa ng mambabatas.

Isinulong din ni Aquino ang paglalagay ng P500 milyon sa 2026 national budget upang makatulong sa RLE expenses ng humigit-kumulang 19,000 allied health sciences students.

Sa ilalim ng Allied Health Experiential Assistance for Deserving Students (AHEAD) Grant, nakatanggap ang mga kwalipikadong estudyante ng one-time financial grant na P25,000 para sa kanilang mga gastusin sa RLE.

Mula nang ipatupad ang batas para sa Libreng Kolehiyo, mahigit limang milyong estudyante na ang nakinabang sa programa mula 2018 hanggang Academic Year 2025–26. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here