MANILA, Philippines – Inatasan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga regional office nito na makipag-ugnayan sa mga operator ng expressway para sa napapanahong pagbibigay ng impormasyon tungkol sa kondisyon ng mga kalsada.
Kasunod ito ng matinding traffic sa North Luzon Expressway (NLEX) mula Agosto 28 hanggang 31.
Inatasan din ni Acting LTFRB Chair Greg Pua Jr. ang mga regional office na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang mga alternatibong ruta kapag may emergency o hindi inaasahang insidente sa expressway.
Kailangan ding palakasin ang koordinasyon sa mga kompanya ng transportasyon at trucker upang matiyak ang “widest dissemination of information to the public in cases of unexpected road emergencies.”
Saklaw ng direktiba ang LTFRB offices sa Ilocos Region, kung saan matatagpuan ang Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway; Central Luzon, na may Subic-Clark-Tarlac Expressway at NLEX; Metro Manila; at Calabarzon, na may South Luzon Expressway, Southern Tagalog Arterial Road Toll, Cavite-Laguna Expressway at Muntinlupa-Cavite Expressway.
Ayon sa LTFRB, “The LTFRB approach is two-pronged: the first focuses on information dissemination especially to the transport companies and the commuters, and the second is identification of alternative routes for wors[t]-case scenarios.”
Dagdag ng ahensiya, mahalaga ang dalawang hakbang upang makapagplano nang maaga ang mga kompanya ng transportasyon at mga commuter. “No motorists and commuters would want to be stuck in traffic jams for hours and the two approaches are essential for both the transport companies and commuters to plan their travel ahead,” pahayag nito.
Samantala, hiniling ng Toll Regulatory Board sa NLEX Corp. na magsumite ng detalyadong paliwanag tungkol sa pagbaha sa pangunahing carriageway ng NLEX, partikular sa Tulaoc Bridge sa San Simon, Pampanga, at sa matinding traffic na idinulot nito.
Sa social media, ilang motorista ang nagbahagi ng kanilang karanasan. May isang motorista na nagsabing umabot ng 22 oras ang kaniyang biyahe matapos mapilitang dumaan sa mga alternatibong ruta.
Ayon kay Pua, layunin ng LTFRB na tulungan ang mga motorista na makahanap ng ibang daan kapag may “unexpected incidents” sa expressway.
“Our priority has always been the welfare of passengers and the delivery of goods to the Filipino people. The incident that happened in NLEx is a wake-up call for us in the LTFRB and other agencies to do our part in coming up with measures to maximize the assistance to the public,” ani Pua. RNT/MDS