MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Biyernes ng isang “national dialogue” na tutugon sa mga sanhi ng pagbaha at sa paulit-ulit na korapsyong nagpapahina sa flood-control efforts ng bansa.
Sa isang Facebook livestream noong September 4, 2026, iginiit ni Cayetano na hindi sapat ang mga flood-control project at reporma ng gobyerno para wakasan ang paulit-ulit na pagbaha.
Aniya, kailangan ng Pilipinas ng isang komprehensibong estratehiya na mag-uugnay sa flood-control infrastructure, urban planning, land use, rural development, accountability, at higit sa lahat, tamang values bilang isang bansa.
“There has to be a national dialogue and discussion. Hindi debate [but] a national dialogue on transforming our nation and how we can ensure that as much as possible, it’s flood-free,” sabi niya.
Ayon kay Cayetano, bagama’t nakadadagdag sa pagbaha ang maling disenyo at palpak na mga flood-control structure, nagiging sanhi rin nito ang samu’t saring sistemakong problema gaya ng mabilis na urbanisasyon, maling land use, pagbibigay ng building permits sa mga lugar na hindi dapat tayuan, mahinang rural development, pagsisiksikan sa mga lungsod, at kakulangan sa maayos na sanitation.
Iniugnay din niya ang pagsisiksikan sa mga lungsod sa kakulangan ng trabaho, serbisyo, at imprastraktura sa mga kanayunan.
Paliwanag niya, habang dumarami ang tao sa mga siyudad at mas maraming lupa ang natatakpan ng semento, lalo ring lumalala ang mga problema sa drainage, sanitation, at land use.
Giit ni Cayetano, kailangang pag-aralan at tugunan nang sabay-sabay ang mga problemang ito sa pamamagitan ng isang national dialogue.
“Hindi puwedeng ’yung beautiful, brilliant ideas na paisa-isa. Kailangan po kumpleto-rekado para ma-solve po ’yung flooding,” sabi niya.
Solusyon sa paulit-ulit na korapsyon
Sinabi ni Cayetano na magiging limitado ang epekto ng mga teknikal na solusyon at reporma ng gobyerno kung hindi matutuldukan ang kultura ng korapsyon.
Puna ng senador, bawat administrasyon ay palala nang palala ang mga iskandalo ng korapsyon kahit na may mga repormang ipinatutupad pagkatapos ng bawat kontrobersiya.
Makikita aniya ito sa kasaysayan ng bansa, mula sa mga alegasyon ng pang-aabuso at korapsyon noong Martial Law, ang “decentralized corruption” sa ilalim ni dating Pangulong Corazon Aquino, ang mga kontrobersiya sa Department of Health noong administrasyong Fidel Ramos, jueteng scandal sa panahon ni Joseph Estrada, fertilizer fund scam sa ilalim ni Gloria Macapagal-Arroyo, Napoles pork barrel scam noong administrasyong Benigno Aquino III, at mga alegasyon ng ghost projects sa kasalukuyang administrasyon.
“There were changes, there were reforms, but there was no renewal, there was no transformation,” sabi niya.
Diin ni Cayetano, kailangan ng national transformation na nakaugat sa mga pagpapahalaga gaya ng integridad para magkaroon ng pangmatagalang pagbabago.
Paliwanag niya, hinuhubog ng values ang pang-araw-araw na kilos ng tao. Ang mga kilos na ito ay nagiging habits, ang habits ay humuhubog sa character, at ang character ay nagiging bahagi ng personal at national identity.
“Wala pong pagbabago ’pag walang pagbabago sa values,” sabi niya.
Sa huli, nanawagan siya sa mga Pilipino na ipagdasal ang mga kababayang lubusang naaapektuhan ng patuloy na malalakas na ulan at pagbaha, gayundin ang pangmatagalang pagbabago sa bansa.
“Prayers po that hindi lang change, but we will experience talaga po a God-given transformation. How do we do that? Sabi po sa Bibliya, seek first His kingdom and righteousness and everything else shall be added unto us,” sabi niya. Ernie Reyes