Home NATIONWIDE Grave threats case, dapat alam harapin ni VP Sara bilang isang abogado...

Grave threats case, dapat alam harapin ni VP Sara bilang isang abogado – Ortega

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni House Deputy Speaker at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V. na bilang abogado, alam ni Vice President Sara Duterte kung paano haharapin ang kasong grave threats laban sa kanya.

Ayon kay Ortega, wala nang ibang pagpipilian si Duterte kundi sagutin ang mga alegasyon sa korte matapos siyang magpiyansa sa Quezon City noong Sabado, Setyembre 5.

“May korte na ngayong nagsuri ng reklamo at ebidensya at nagdesisyon na may probable cause para litisin ang kaso. Bilang abogado at bilang Vice President, alam niya kung ano ang susunod na proseso, kaya harapin niya ito at doon niya sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya,” ani Ortega.

Nagtapos si Duterte ng law degree sa San Sebastian College-Recoletos, pumasa sa Philippine Bar noong 2005 at nagpraktis bilang abogado bago pumasok sa politika.

Nag-ugat ang kaso sa kanyang virtual press conference noong Nobyembre 23, 2024, kung saan sinabi umano niya:

“[M]ay kinausap na ako na tao. Sinabi ko sa kanya kapag pinatay ako, patayin mo si BBM (Bongbong Marcos) si Liza Araneta at si Martin Romualdez. No joke. No joke. Nag-bilin na ako ma’am. Pag mamatay ako, sabi ko, huwag ka tumigil hanggang hindi mo mapatay sila and then he said yes”.

Si Araneta-Marcos ay First Lady habang si Romualdez ay pinsan ng Pangulo at dating House Speaker. Naging isa rin sa mga basehan ng impeachment laban kay Duterte ang naturang banta.

Noong Biyernes, naglabas ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 98 ng warrants laban kay Duterte para sa tatlong counts ng grave threats matapos makitang may probable cause para ituloy ang paglilitis. Itinakda ang piyansa sa P120,000 bawat kaso.

Hindi rin pinagbigyan ng korte ang kahilingan ni Duterte na ipagpaliban o bawiin ang warrant at ipawalang-bisa ang criminal information. Iginiit ng kanyang mga abogado na may limitadong procedural immunity ang isang impeachable official habang nasa puwesto.

Binigyang-diin ni Ortega na ang probable cause ay hindi nangangahulugang guilty na si Duterte, kundi nangangahulugan lamang na may sapat na batayan para ituloy ang kaso at marinig ang ebidensya ng magkabilang panig.

“Probable cause is not a declaration of guilt, pero mahalaga rin na hindi natin maliitin ang ibig sabihin nito. Umabot na sa punto na matapos suriin ng korte ang kaso, nakita nitong may sapat na batayan para ituloy ang paglilitis sa tatlong bilang ng grave threats,” aniya.

Ayon kay Ortega, ipinapakita rin ng mga kasong kinakaharap ni Duterte na mananagot ang mga opisyal ng gobyerno sa ilalim ng batas anuman ang kanilang posisyon.

“The court has spoken on probable cause, at ngayon proseso na ng hukuman ang dapat manaig. Kung kumpiyansa ang Vice President sa kanyang depensa, this is her opportunity to present it before the court and answer the charges squarely,” sabi ni Ortega. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here